EUMIR MARCIAL, MAY PAG-ASANG MAKAPAG-UWI NG OLYMPIC GOLD MEDAL

SI Tokyo qualifier sa boksing na si Eumir Marcial ang pinakamalaking pag-asa ng Pilipinas na pawiin ang 76 taong pagkauhaw ng bansa sa gintong medalya sa darating na XXXII Games of the Olympics na ipinagpaliban sa susunod na taon.

Ito ay matapos malaman ng SAKSI Ngayon na ang 24-anyos na middleweight mula Zamboanga ang siya pa ring pangalawang pinakamagaling na boksingerong amatyur sa daigdig, ayon sa International Boxing Association.

Ang silver medalist sa nakaraang AIBA World Men’s Championships at gold medal winner sa 2019 Olympic Qualifier noong Marso ay kasalukuyang nasa likod ng Numero Unong si Gleb Bakshi ng Russia, ayon sa world ranking sa 175-librang dibisyon.

Naungusan ng Philippine Air Force member sina Arlen Lopez ng Cuba na pumangatlo; Olexandr Kishinyak ng Uzbekistan, pang-apat; at kapwa Central Asian na si Tursynbal Kulakhmet ng Kazakhstan, panlima.

Ayon sa pagtataya ng kanyang mga coach na sina Baracelona Olympians Ronald Chavez at Roel Velasco, isang malaking bentahe ang gaganaping bunutan na magpapasya kung sino-sino ang mga boksingerong maglalaban sa unang round ng eliminasyon. At kung sino-sino ang magpapahinga muna (bye) at iba pang insentibo na nakareserba sa mga boksingerong matataas ang ranggo.

“And with not quite a few qualifiers not expected to make it to the Olympic site, particularly from countries with high cases of COVID-19, Eumir indeed will have a better chance of advancing to the medal rounds than his lowly-ranked peers,” wika nina Chavez at Velasco sa panayam sa kolumnistang ito noong Linggo.

“Alam na naman natin na napakalaki ng advantage kapag mataas ang seeding mo sa pag-decide ng mga laban sa opening rounds ng Olympics,” paliwanag ni Chavez . “Nangyayari nga na hindi ka pa lumalaban, nasa quaterfinal round ka na or semifinal round, lalo na kung kokonti ang kalahok.”

“That’s the beauty of being ranked high,” sabat naman ni Velasco, nanalo ng bronze medal noong 1992 Barcelona Games at nakatatandang kapatid ni Atlanta Olympics silver medalist Mansueto “Onyok” Velasco.

“Pag mababa ang ranggo ng isang boksingero, mas marami ang nagiging laban kaya pagdating sa medal rounds, kapos na,” dugtong ni Velasco. “Pag mataas ang rank, chances are maraming bye. At kapag dumating sa medal bouts, presko at malakas pa.”

Ito rin ang malamang na bentaheng taglay ni Nesthy Petecio, women’s featherweight titlist, ayon kay women team coach Boy Velasco, pinakamatanda sa tatlong Velasco boxing brothers.

“Being the champion in her category, Nesthy, I hope won’t be rated lower than third. Baka top-seed pa nga siya,” hula ni coach Boy sa kanyang alaga na bigong nakapasa sa Olympic qualifying competition noong Marso sa Amman, Jordan.

“Medyo minalas lang si Nesthy nung first try niya, pero babawi yan. Baka mag-champion pa sa kanyang division para makasiguro ng top-seeding,” ani coach Boy.

“No matter what happens from today until the Olympics in July-August 2021, the ranking earned by Eumir, hindi na mawawala,” paniniguro ni Chavez.

“What he needs, of course, is proper and hard training, which we have been trying to provide the past two months or so since last June,” dagdag ng head coach.

“Due to the present health situation, nasa online training pa rin kami. But at least may supervision pa ng coaching staff unlike before na talagang halos walang activity si Eumir,” aniya.

“Monday to Friday pa lang ang ensayo, tuwing hapon,” dagdag niya. “We hope though that by next week hanggang Saturday na. As we have been saying, mas maganda kung sa isang training venue na kami mag-eensayo.”

“Iba kasi talaga ang face-to-face supevision ng training. Masasabi namin agad ang mali. Sa zoom kasi, we still have to wait a day or two para ma-correct and dapat ma-correct,” pagdidiin ni Chavez.

“Ang problema pa, malimit walang signal ang cellphone, or walang internet,” saad ni Roel. “Sana mabigyan na kami ng permanent training venue. Not only for Eumir but pati na sa iba pang boxer natin na still seeking for Olympic slots.”

199

Related posts

Leave a Comment