RESPETO DAPAT HINDI PATAASAN NG BOSES SA COURTROOM— DIOKNO

ANG asal sa loob ng korte ay dapat nakabatay sa respeto, tamang kaugalian at wastong pag-uugali at hindi sa pagiging mabait ng mga naglalabang abogado sa isa’t isa, ayon kay House prosecutor at Akbayan Party-list Representative Chel Diokno.

Ginawa ni Diokno ang paglilinaw matapos siyang tanungin tungkol sa kilos ng depensa laban sa prosekusyon kasunod ng panawagan ng mga abogado ni Vice President Sara Duterte para sa “kindness” sa gitna ng Senate impeachment trial.

Matatandaang sa paglilitis noong Huwebes ay kinailangan pang mamagitan ni Presiding Judge at Senator Francis “Chiz” Escudero sa mainitang pagtatalo sa pagitan ng abogado ng prosekusyon na si Atty. Lorna Kapunan at abogado ng depensa na si Atty. Kristine Ferrer.

“Ako ay litigator for more than 30 years na akong pumupunta sa court. Halos lahat siguro ng court ay napuntahan ko,” ani Diokno sa isang press conference.

Batay sa kanyang karanasan, sinabi ni Diokno na hindi maaaring hingin ng mga litigating party ang paborableng trato mula sa kanilang mga kalaban.

Gayunman, maaari umanong igiit ng bawat panig na sundin ng lahat ng kalahok ang mga patakaran ng korte at igalang ang tribunal, kalabang abogado at mga saksi.

“Wala namang expectation ang sinumang kabahagi ng isang court case to kindness,” ani Diokno.

“Of course, we all want kindness as a human virtue, but as far as court rules are concerned, ang importante ay masunod iyong court decorum and proper court behavior,” paliwanag niya.

Para kay Diokno, ang pangunahing obligasyon ng mga abogado ay hindi lamang simpleng pagiging magalang bilang personal na desisyon kundi ang pagpapanatili ng respeto bilang propesyonal na pangangailangan upang maging maayos ang paglilitis sa kabila ng magkakaibang posisyon ng mga partido.

“Ang pinaka-essence ng court decorum talaga ay respeto, respeto sa judge, respeto sa kalaban,” giit niya.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat pinuputol ng isang abogado ang pagsasalita ng saksi.

Maaaring tumutol, humingi ng paglilinaw o hilingin na alisin sa record ang isang hindi angkop na pahayag, ngunit dapat itong gawin sa pamamagitan ng tamang proseso.

(TINA MENDOZA)

33

Related posts

Leave a Comment