GCASH PARENT MYNT, NAGSIMULA NANG MAG-TRADE SA PSE

PORMAL nang nagsimulang mag-trade sa Philippine Stock Exchange (PSE) nitong Miyerkules, Oktubre 21, ang Mynt, parent company ng GCash, sa isang mahalagang hakbang para sa digital finance industry at capital markets ng bansa.

Sa ilalim ng ticker symbol na GCASH, nagbukas ang kompanya sa presyong P6.60 kada share, katumbas ng humigit-kumulang P442 bilyong market capitalization.

Nakalikom ang Mynt ng humigit-kumulang P53 bilyon sa initial public offering (IPO) nito mula sa pagbebenta ng 8.03 bilyong shares sa presyong P6.60 bawat isa.

Kung maisasama ang overallotment option na 1.20 bilyong secondary shares, maaaring umabot sa P60.9 bilyon ang kabuuang halaga ng alok, na posibleng maging pinakamalaking IPO sa kasaysayan ng Pilipinas.

Dumalo sa ceremonial opening bell sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Ayala Corporation Chairman Jaime Augusto Zobel de Ayala, Ayala President at CEO Cezar Consing, Mynt Chairman Ernest Cu, Mynt President at CEO Martha Sazon, at PSE President at CEO Ramon S. Monzon.

Para sa Mynt, ang pagpasok sa PSE ay hudyat ng paglipat nito mula sa pagiging pribadong fintech company tungo sa pagiging publicly listed company, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga mamumuhunan na maging bahagi ng kompanyang nasa likod ng isa sa pinakamalawak na ginagamit na financial app sa bansa.

“Today marks a defining milestone for Mynt and the beginning of our next chapter as a public company,” pahayag ni Sazon.

Aniya, napalago ng Mynt ang GCash bilang isang scalable at profitable business sa pamamagitan ng pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangang pinansyal ng mga Pilipino.

Sinabi naman ni Cu na sa loob ng 22 taon, lumago ang GCash mula sa isang SMS-based money transfer service tungo sa isang pangunahing digital financial platform, na nagpapatunay na kayang makamit ng mga Philippine tech company ang malawakang paglago sa pamamagitan ng maayos na pamamahala at pangmatagalang estratehiya.

54

Related posts

Leave a Comment