SUSPEK SA PAGPATAY SA 69-ANYOS NA CARETAKER ARESTADO

NADAKIP na ng mga awtoridad sa suspek na hinihinalang pumatay sa isang 69-anyos na tagapangalaga ng lupa sa Sitio Igiban, Barangay Cupang, Antipolo City.

Natuklasan ang walang buhay na biktima na si Wilfredo noong Oktubre 19, 2026, bandang alas-9 ng umaga, na may mga sugat sa leeg at tiyan at nasa kalagayan na ng pagkabulok.

Opisyal na iniulat ang insidente sa Antipolo Component City Police Station bandang alas-2:40 ng hapon ng nasabing araw.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nag-iisa ang biktima sa tirahan at nagtatrabaho bilang tagapangalaga ng nasabing ari-arian.

Lumabas sa pagsisiyasat na may naitalang hindi pagkakaunawaan ang biktima at ang suspek na si Angelo, 21-anyos, bago mangyari ang krimen.

Kabilang dito ang pagtatalo matapos umanong mahuli ng biktima ang suspek na kumukuha ng prutas na rambutan sa nasasakupan, at isa pang insidente sa balon ng tubig. Sa mga pagkakataong iyon, nagbanta ang suspek na papatayin ang biktima.

Mahalagang impormasyon ang ibinigay ng isang saksi na nagtungo sa barangay hall noong Oktubre 18 upang itala ang pag-amin umano ng suspek.

“Tinapos ko na siya. Ginilitan ko sa leeg at sa tiyan.”Ang pahayag na ito ang naging susi upang matukoy at madakip ang suspek.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Antipolo City Police Station ang suspek habang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong pagpatay laban sa kanya.

Humiling na rin ang pulisya ng tulong sa Rizal Provincial Forensic Unit-SOCO para sa masusing pagsusuri sa pinangyarihan ng krimen at pangangalap ng ebidensya.

(KNOTS ALFORTE)

67

Related posts

Leave a Comment