PINAIGTING ng Office of Civil Defense (OCD) at iba pang ahensya na kabilang sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang paghahanda sa posibleng epekto ng Super Typhoon Rosal (international name: Champi), matapos itong pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Nakataas na rin ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Northern at Southern Luzon, batay sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa weather forecast ng PAGASA na ibinahagi sa NDRRMC, nasa loob na ng PAR si Rosal nitong Martes ng umaga.
Sa 11 a.m. weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,385 kilometro silangan ng Central Luzon, taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 185 kilometro kada oras (kph) at pagbugsong hanggang 230 kph.
Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1 ang silangang bahagi ng Babuyan Islands, kabilang ang Babuyan Islands, Camiguin Islands at Didicas Islands.
Sakop din ang silangang bahagi ng mainland Cagayan, kabilang ang Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Santa Teresita, Camalaniugan, Aparri, Buguey, Gattaran, Baggao at Peñablanca.
Nasa ilalim din ng Signal No. 1 ang hilagang-silangang bahagi ng Isabela, partikular ang Maconacon, Divilacan, Palanan, San Pablo, Cabagan, Santa Maria, Tumauini at Ilagan City, gayundin ang hilagang-silangang bahagi ng Catanduanes, kabilang ang Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga at Gigmoto.
Nagbabala ang PAGASA na posibleng mapanatili ni Rosal ang lakas nito bilang super typhoon at lumakas pa habang binabagtas ang Philippine Sea, na may bilis ng pagkilos na 39 hanggang 60 kph.
Samantala, itinaas ng National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (NDRRMOC) sa Blue Alert ang antas ng kanilang kahandaan upang paigtingin ang monitoring, koordinasyon at paghahanda kaugnay ng bagyo.
Sa ilalim ng Blue Alert, kinakailangang pisikal na mag-report sa NDRRMOC ang mga itinalagang disaster risk reduction and management personnel mula sa uniformed services upang tumulong sa monitoring, koordinasyon at paghahanda. Ang mga kinatawan naman ng iba pang ahensyang kasapi ay lalahok sa pamamagitan ng virtual NDRRMOC at mananatiling nakaantabay sakaling kailanganin ang karagdagang puwersa.
Kapag itinaas sa Red Alert ang antas ng operasyon, kinakailangang pisikal na magtalaga ng mga kinatawan ang lahat ng ahensyang kabilang sa NDRRMC Response Cluster upang higit na mapalakas ang koordinasyon at kahandaan sa pagtugon sa posibleng epekto ng bagyo.
(JESSE RUIZ)
76 