TINIYAK ng San Pablo City Science Integrated High School ang pagbibigay ng angkop na interbensyon at psychosocial support sa mga mag-aaral na nakasaksi sa insidente ng pananaksak ng Grade 7 student sa kanyang kaklase noong Lunes, Oktubre 19.
Sa opisyal na pahayag ng pamunuan, makikipagtulungan ang paaralan sa mga kinauukulang tanggapan at mga professional upang matulungan ang mga direktang sangkot at sinomang nakararanas ng pangamba o pagkabalisa dahil sa insidente.
Binigyang-diin ng pamunuan na nananatiling pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan, kapakanan, at dignidad ng bawat mag-aaral.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng paaralan sa mga kinauukulang awtoridad upang matugunan ang pangyayari at higit pang mapalakas ang seguridad sa loob ng campus sa mga susunod na araw.
Hinihiling din ng paaralan ang pang-unawa at pakikiisa ng buong komunidad upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral na naapektuhan ng insidente.
Magugunitang isang 12-anyos na grade 7 student ang kritikal ang kondisyon sa pagamutan makaraang saksakin sa leeg ng kanyang kaklase sa kanilang paaralan San Pablo City, Laguna noong Lunes.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente dakong hapon sa San Pablo City Science Integrated High School sa Barangay San Jose.
Napag-alaman, tinawag ng 12-anyos ding kaklase ang biktima sa gilid ng school building at sinaksak ito ng two-inch knife.
Agad namang isinugod ng mga guro ang biktima sa pinakamalapit na ospital.
Ang suspek ay tumakas makaraan ang insidente ngunit kasalukuyan nang nasa pangangalaga ng Local Social Welfare and Development Office para sa nararapat na interbensyon.
Tinitingnan ng mga imbestigador ang bullying bilang motibo sa insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
67 