Nagturuan sa celebrity chef robbery 2 HEPE AT PD NG RIZAL, PINAIIMBESTIGAHAN

IPINAG-UTOS ng Police Regional Office 4A (PRO4A) ang imbestigasyon sa umano’y pagkukulang sa nangyaring pagnanakaw sa celebrity chef na si Myke Sarthou o Chef Tatung.

Nag-ugat ang reklamo ni Chef Tatung makaraang magturuan ang mga pulis ng Baras Municipal Police Station at Antipolo Component City Police Station.

Ayon kay PNP spokesperson, PCol. Allen Rae Co, inatasan ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., na i-account ang mga naging aksyon ng kanilang mga tauhan.

Nabatid na nilooban ang bahay ng celebrity chef noong Setyembre 25, at nawalan ng mga kasangkapan at napinsala ang bahay nito na umabot sa P4 milyon ang pinsala.

Dahil nakatira ang chef sa boundary ng Baras at Antipolo, nagturuan umano ang mga pulis sa hurisdiksyon.

Dahil sa nag-viral na reklamo, agad na inaksyunan ng PNP ang hinaing ng chef na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek na isang 26-anyos noong araw ng Linggo.

Nabawi sa suspek ang ilang kagamitan sa kusina at decorative equipment na hinihinalang galing sa bahay ni chef Tatung.

(TOTO NABAJA)

69

Related posts

Leave a Comment