INAPRUBAHAN ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na nagdedeklara sa Setyembre ng bawat taon bilang National Bullying Awareness and Prevention Month.
Ang House Bill No. 10134, o “National Bullying Awareness and Prevention Month Act,” ay nagkakaisang inaprubahan noong Martes sa botong 245 pabor, walang tutol at walang abstention.
Binigyang-diin ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na dapat kabilang sa pagprotekta sa mga bata ang pagtiyak na ligtas ang mga paaralan at komunidad bilang mga lugar kung saan maaari silang matuto at lumago nang walang takot.
Ayon kay Speaker Dy, layunin ng panukala na palakasin ang kamalayan ng publiko hinggil sa bullying at pakilusin ang mga paaralan, pamilya, komunidad at mga institusyon ng pamahalaan upang sama-samang maiwasan ang mga gawaing maaaring magdulot ng pangmatagalang pinsala sa mga bata.
“Every child deserves to go to school feeling safe, respected, and accepted. Walang batang dapat matakot pumasok sa eskwela dahil sa pang-aapi, pananakot, o anomang uri ng bullying,” ani Speaker Dy.
Sa ilalim ng panukala, itataas ang kamalayan ng publiko hinggil sa pag-iwas sa bullying at bibigyang-diin ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga bata at kabataan laban sa pang-aabuso, kalupitan, pagsasamantala at iba pang mapanganib na kalagayan.
Partikular na layunin ng panukala ang pagsusulong ng ligtas na learning environment at pantay na access sa de-kalidad na edukasyon para sa lahat.
Inaatasan ang Department of Education (DepEd), katuwang ang National Youth Commission (NYC) at Council for the Welfare of Children (CWC), na maghanda at magpatupad ng taunang programa ng mga aktibidad para sa paggunita.
Pangangasiwaan din ng DepEd ang mga aktibidad para sa pagpapataas ng kamalayan hinggil sa pag-iwas sa bullying at iba pang anyo ng pang-aabuso, kalupitan at pagsasamantala sa mga bata sa lahat ng pampubliko at pribadong elementarya at high school sa bansa.
Samantala, makikipagtulungan ang Philippine Information Agency (PIA) sa DepEd, NYC at CWC upang matiyak ang epektibong pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa batas at mga layunin nito.
Hinihikayat din ang mga lokal na pamahalaan, pribadong organisasyon, civil society groups, non-government organizations at people’s organizations na makilahok sa paggunita upang maging malawak na pagsisikap ng komunidad ang pag-iwas sa bullying.
Ayon kay Speaker Dy, responsibilidad ng mga guro, magulang, paaralan, pamahalaan at mismong mga kabataan ang paglaban sa bullying.
“We need to teach our children not only to stand up for themselves, but also to stand up for others who may be afraid to speak,” ani Speaker Dy.
Sinabi rin ng Speaker na nagbabago ang anyo ng bullying dahil sa teknolohiya at hindi na lamang ito nangyayari sa mga silid-aralan, playground o bakuran ng paaralan kundi maging sa social media at iba pang digital platforms.
Dahil dito, sinabi ni Speaker Dy na mahalaga ang awareness at maagang intervention dahil maaari nang malantad ang mga bata sa harassment kahit nakauwi na sila mula sa paaralan.
“Hindi natatapos ang bullying sa pag-uwi ng bata. Sa panahon ng social media, maaari itong sumunod sa kanila hanggang sa kanilang tahanan,” ani Speaker Dy.
Tiniyak ng Speaker na patuloy na isusulong ng Kamara ang mga hakbang na magpapalakas sa proteksyon at kapakanan ng mga batang Pilipino.
(TINA MENDOZA)
56 