GIYERA SA BASURA NG CANADA

SIDEBAR

Mga taong 2013 at 2014 bumaha sa bansa ang mga container na naglalaman ng mga basura na galing sa Canada. “Recyclable scrap plastics” ang dekla­rasyon ng mga importer ng basura sa bill of lading na siyang isinusumite sa Bureau of Customs para sa kaukulang buwis kung mayroon man.

Umabot sa 103 shipping containers na naglalaman ng basura mula sa Canada ang nakarating sa Pilipinas sa pamamagitan ng Port of Subic at Port sa Manila at hanggang ngayon ay nakasalansan ang mga shipping containers habang naghihintay na maibalik sa bansang Canada.

Habang ginaganap ang Asean Summit sa Maynila noong Nobyembre 2017, sinabi ni Canadian Prime Mi­nister Justin Trudeau na humahanap na ng solusyon ang kanyang bansa sa problema sa garbage disposal matapos tawagin ang kanyang atensyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi noon ni Trudeau na pinag-aaralan pa ng kanyang gobyerno kung paano reresolbahin ang mga “legal barriers and restrictions” sa pag-ship back ng 101 container ng basura na nasa Ports of Subic at Manila.

Magdadalawang taon na mula nang sabihin ito ni Trudeau sa Asean Summit pero hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang mga basura mula Canada kaya naubos na rin ang pasensya ni Pangulong Duterte.

Habang nakikinig sa situation briefing sa kapitolyo ng Pampanga hinggil sa naganap na 6.1-magnitude na lindol, nagpahayag ng pagkadismaya si Duterte sa bansang Canada at sinabihang kailangang alisin na nito ang 103 shipping containers ng basura sa susunod na linggo.

Ito ang naging pahayag ng pangulo: “I want a boat prepared. I’ll give a warning to Canada maybe next week that they better pull that thing out or I will set sail, doon sa Canada, ibuhos ko ‘yang basura nila doon. I cannot understand why they are ma­king us a dumpsite, and that is not the only case on point. Papasunud-sunod ‘yan na pinapadala ‘yung basura sa atin. Well, not this time.”

Nagbabala pa si Pangulong Duterte na handa siyang magdeklara ng giyera laban sa Canada kung hindi nito kukunin ang kanyang mga basura at muling ibabalik sa kanilang bansa. “Awayin natin ang Canada. I will declare war against them. Kaya man natin ‘yan sila. Isauli ko talaga ‘yan. Ah, tingnan mo. Ikarga mo ‘yan doon sa ano sa barko, load it — the containers to a ship and I will advise Canada that your garbage is on the way. Prepare a grand reception. Eat it if you want to.”

May katwirang mapuno ang pangulo sa bansang Canada dahil hanggang ngayon ay wala itong aksyon para bawiin ang mga basura na isang palaisipan hanggang ngayon kung papaano naparating sa Port of Subic at Port of Manila.

Hanggang ngayon nga ay wala pa tayong narinig na balita mula sa Bureau of Customs kung sino ang Filipino consignee ng mga basura at kung naparusahan na ba ang mga sangkot sa pagpapara­ting ng Canadian trash.

Hindi naman ito ang u­nang pagkakataon na may mga basurang nakalagay sa shipping containers ang nakarating sa bansa pero ang tanong ay kung nasampahan ba ng Bureau of Customs ng karampatang kaso ang mga nasa likod ng garbage shipment.

Maliban sa pagdedeklara ng giyera laban sa basura ng Canada, makakabuting ipag-utos din ni Pangulong Duterte ang pagsasampa ng kaso sa mga importer at Filipino consignee ng mga basura para hindi na muli itong maulit. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

193

Related posts

Leave a Comment