GOBYERNO ALERTO SA POSIBLENG JET FUEL SHORTAGE — MALAKANYANG

IPINATUTUPAD ng pamahalaan ang mga hakbang upang maiwasan ang posibleng kakulangan sa jet fuel sa gitna ng umiiral na global uncertainties, ayon sa Malakanyang.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na mahigpit na minomonitor ang sitwasyon at regular itong iniuulat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

“Lagi naman po na inuulat sa Pangulo ito at lahat po ng paraan ay ginagawa para hindi magkulang ang supply ng produktong petrolyo sa atin,” ani Castro.

Ang pahayag ay kasunod ng pagtaas ng fuel surcharge levels na itinakda ng Civil Aeronautics Board (CAB) mula Level 8 noong unang kalahati ng Abril hanggang Level 19 sa ikalawang kalahati ng buwan.

Batay sa datos ng Department of Energy (DOE), walang umiiral na government subsidy para sa aviation fuel.

Ipinaliwanag din ni Castro na ang fuel surcharges ay kinokontrol ng CAB at hindi direktang itinatakda ng mga airline.

Sa gitna ng pagtaas ng surcharge at pangamba sa global supply, sinabi ng Malakanyang na maaaring maapektuhan ang presyo at suplay ng fuel dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan, ngunit tiniyak na may mga hakbang ang gobyerno upang tugunan ito.

(CHRISTIAN DALE)

83

Related posts

Leave a Comment