CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAY mensaheng ipinaabot sa atin na pinabubulaanan ang nauna nating inilathala na magpinsan sina Customs Commissioner Ariel Nepomuceno at Intelligence Officer 3 Paul Oliver Nepomuceno – Pacunayen tulad ng nakasaad sa reklamo ng ilang empleyado at stakeholders ng ahensya.
Bukod dito, nasa floating status umano si Pacunayen simula pa noong Enero dahil sa ilang alegasyon. Taliwas sa pinalalabas na tila binibeybi ito dahil sa pagiging magkamag-anak nila ng BOC Chief.
Bineberipika na natin ang mga ipinaabot na bagong impormasyon hinggil sa usaping iyan. Abangan.
o0o
Dako naman tayon sa good news! Wala raw magiging paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang Mayo 10, 2026.
Paninigurado ‘yan ng DTI.
Dati hanggang Abril 16 ang sabi na hindi magtataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Mabuti at extended pero mas masaya sana kung tuloy-tuloy lang, saka na ang taas kapag nakahinga na tayo sa krisis sa langis.
At dahil wala naman dagdag-presyo, i-enjoy natin ang kape kahit tag-init. Laba lang nang laba habang hindi bumubula ang taas-presyo ng sabon. Walang bagyo pero trip mong magsardinas na hindi galing sa ayuda.
‘Yan ang buhay ng ordinaryong si Juan.
o0o
May mga panawagan na tanggalin ang VAT para makaluwag naman ang mga Pilipino sa panahon ng krisis.
Pero mukhang mabobokya, wala raw kasing batas na nagbibigay ng anomang emergency powers sa Pangulo na siya ay mag-suspend ng VAT sa fuel products dahil ito ay nakasalalay sa Kongreso.
Pero ang simpleng tingin dito ay nanghihinayang na naman sa perang papasok sa kaban.
Ayon nga sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), mawawala sa gobyerno ang halos P210 bilyon sakaling suspendihin nito ang VAT sa langis.
Oo nga, ang buwis ay kailangan para sa pondo ng gobyerno para sa iba pang mga prayoridad, iyon ay kung doon nga ito papasok at hindi sa bulsa ng mga buwaya.
Kung kakalusin ng gobyerno ang VAT, ito ay dapat sa pangkalahatang sakop nito, hindi lang sa langis.
Pasakit sa maliliit ang kita at maging sa middle class na pamilya ang mga buwis na ipinapatong.
84 