GRADE 10 TIMBOG SA BENTAHAN NG DROGA

SA halip na aklat sa paaralan, malamig na rehas ng kulungan ang hinihimas ngayon ng isang grade 10 student na inaresto kasama ang isa pa, sa kasong pagtutulak ng marijuana, sa Novaliches, Quezon City.

Kinilala ni Novaliches Police Station commander Lt. Col. Von June Nuyda, ang suspek sa pangalang “Boss” at Amado Grefal, alyas “Nonoy,” na kapwa residente ng Barangay Commonwealth ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang ikasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy-bust operation sa Jordan Plains Subd. na sakop ng Barangay Sta. Monica kaugnay ng timbre ng isang impormante.

Agad na dinakip ng mga operatiba ang mga suspek sa aktong pagtanggap ng P21.000 buy bust money mula sa inakala nilang parokyano. Gayunpaman, hindi akalain ng pulisya na estudyante pala sa high school ang isa sa dalawang nadakma.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 7,000 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P840,000 at ang salaping ginamit sa buy-bust operation.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kinakaharap na asunto ng mga suspek.

“I commend the operatives who conducted the anti-illegal drug buy-bust operations that led in the arrest of the suspects and confiscation of the pieces of evidence. These operations will greatly contribute in lessening the drug proliferation in our area of responsibility and generally will help in our continuous campaign against illegal drugs in Metro Manila,” pahayag ni NCRPO chief Brig. Gen. Jonnel Estomo. (LILY REYES)

143

Related posts

Leave a Comment