GRAVE COERCION VS KAP. ROXAS ISINAMPA SA OMBUDSMAN

ombudsman1

PANIBAGONG kaso ang isinampa ni Aljean Abe, isang dating teacher aide, sa Office of the Ombudsman laban kay Brgy. Kaligayahan Chairman Alfredo “Freddy” Roxas noong Lunes, Setyembre 11, 2023.

Ang reklamo ni Abe sa Office of the Ombudsman laban Kap. Roxas ay ukol sa grave coercion na may kaugnayan Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Base sa sinumpaang salaysay ni Abe sa Office of the Ombudsman, nag-ugat ang kanyang bagong reklamo matapos na makaranas siya at kanyang pamilya ng panghaharas at pananakot mula kay Kap. Roxas at sa mga tauhan nito.

Ayon pa kay Abe, nagsimula umano ang panghaharas sa kanya ni Kap. Roxas at ng mga tauhan nito nang malaman ni Roxas ang pagsampa niya ng reklamo sa Office of the Ombudsman noong Setyembre 11, 2023.

Batay sa reklamo ni Abe, inakusahan niya ang grupo ni Kap. Roxas ng paglabag sa Anti-Graft Practices Act at Falsification of Public Documents dahil sa paggamit ni Roxas ng “ghost employee.”

Pagkatapos na maisampa ni Abe ang nasabing reklamo ay nagdagsaan ang missed calls sa cellphone niya mula sa iba’t ibang numero na hindi naman naka-save sa kanyang phonebook.

Bukod dito, ay iba’t ibang mensahe rin ang natanggap ni Abe sa kanyang Facebook messenger.

Kabilang umano sa mga nagpadala sa kanya ng mensahe ay sina Mark Roldan Santiago Sedilla at Jennilyn Guiling Montefalco na pawang empleyado ng Barangay Kaligayahan, Quezon City at kilalang supporters ni Kap. Roxas.

Para sa kaligtasan ng pamilya ni Abe, pansamantala muna silang lumipat ng tirahan, subalit laking gulat niya na noong ika-12 ng Setyembre ay pinuntahan siya ng mga tauhan ni Roxas na sina Melanie Aviguetero, Jamaica Jallorico at isang lalaki na hindi nakilala, gamit ang service vehicle ng Barangay Kaligayahan.

Nais ng mga tauhan ni Roxas na kunan siya ng litrato subalit hindi siya pumayag.

Noong ika-14 ng Setyembre 2023 nang muling makatanggap si Abe ng mensahe na ipinararating umano ni Kap. Roxas.

Ayon kay Abe, ipinatatanong ni Roxas kung bakit siya nagsampa ng reklamo laban dito. Tinanong din daw umano siya kung ano ang kanyang gusto. Kung tulong pinansyal umano ay matutulungan siya ni Roxas at ibabalik din daw siya nito sa trabaho sa barangay.

Kailangan lang magpunta ni Abe sa barangay at pumirma ng mga dokumento sa harap ng abogado.

Binantaan din umano si Abe na kailangan niyang sumagot hanggang nitong Setyembre 15, kung hindi ay asahan niyang may isasampang kaso laban sa kanya ang kampo ni Kap. Roxas.

Ang pangyayari ay nagdulot ng pangamba kay Abe para sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya, kung kaya’t napilitan siya muling magsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman.

Nauna rito, isang Hernando Compedio ang nagsampa rin ng reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kay Kapitan Roxas dahil sa paggamit ng kanyang pangalan para umano makakolekta ng sweldo sa Quezon City Hall, kahit hindi na empleyado ng Brgy. Kaligayahan si Compedio.

Reklamong paglabag din sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang isinampa ng isang barangay kagawad laban kay Roxas dahil sa pag-apruba sa isang resolusyon na hindi dumaan sa regular session ng barangay.

(JOEL O. AMONGO)

250

Related posts

Leave a Comment