Isinumbong sa Office of the Ombudsman ang apat na kasalukuyan at dating opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay Fatima V sa San Jose del Monte (SJDM), Bulacan dahil sa umano’y mga iregularidad sa paggamit ng ₱605,208 na pondo, kabilang ang kuwestiyonableng pamamahagi ng educational assistance at mga transaksiyon sa procurement.
Batay sa reklamong inihain ng Barangay Advocates and Network of Taxpayers and Accountable Youth (BANTAY), nakabatay ang mga alegasyon sa Audit Observation Memorandum ng Commission on Audit (COA) na may petsang Oktubre 14, 2024, na tumukoy umano sa kakulangan ng mga kinakailangang dokumentong susuporta sa ilang gastusin ng SK.
Nasa sentro ng reklamo si Atty. Ronalyn B. Pordan, dating SK chairperson at Head of Procuring Entity, kaugnay ng mga transaksiyong kinuwestiyon noong panahon ng kanyang pamumuno.
Kabilang sa mga kinukuwestiyong gastusin ang ₱188,500 na educational assistance para sa 118 estudyanteng benepisyaryo. Ayon sa reklamo, hindi sapat ang mga isinumiteng dokumento upang mapatunayan ang pagkakakilanlan at pagiging kuwalipikado ng mga benepisyaryo, dahilan upang kuwestiyunin kung tunay na naipamahagi ang tulong at kung may mga tinatawag na “ghost scholars.”
Bukod dito, kinukuwestiyon din ang ₱416,708 na halaga ng 15 transaksiyon sa procurement dahil umano sa kakulangan ng mahahalagang dokumento, kabilang ang mga permit ng supplier, request for quotation, canvass records at iba pang kinakailangang papeles.
Binanggit din sa reklamo ang dalawang tsekeng tig-₱27,000 na parehong inilabas noong Hulyo 19, 2022 para sa iisang supplier at sa parehong layuning ipaayos ang isang covered court. Ayon sa mga nagreklamo, posibleng maituturing itong contract splitting na maaaring lumabag sa mga patakaran sa procurement.
Kabilang din sa mga respondent ang dating SK treasurer na si Eliza Donayre, kasalukuyang SK chairperson na si Christian Kyle N. Pallares, at kasalukuyang SK treasurer na si Johanna Marie Sia.
Ayon sa reklamo, kinukuwestiyon ang naging papel ni Donayre sa pagproseso ng mga transaksiyon at dokumento. Samantala, inakusahan naman sina Pallares at Sia ng umano’y hindi sapat na pagtugon sa mga kakulangan sa rekord at mga usaping pinansiyal na minana mula sa naunang pamunuan.
Hiniling ng BANTAY sa Ombudsman na imbestigahan ang mga respondent at magsampa ng kaukulang kasong kriminal at administratibo kung may sapat na batayan. Hiniling din nilang maibalik ang kinukuwestiyong ₱605,208, alinsunod sa resulta ng imbestigasyon at sa matutukoy na pananagutan ng mga sangkot.
(Paolo Santos)
86 