Walang mali sa pakikipag-ugnayan – Malacañang TERITORYO LANG ISYU NG PH SA CHINA

IGINIIT ng Malacañang na walang problema sa pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa Tsina sa pamamagitan ng mga diplomatikong paraan, ngunit hindi ito nangangahulugang isasantabi ng bansa ang pagtatanggol sa teritoryo at pambansang interes nito sa West Philippine Sea.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nananatili ang ugnayan ng Pilipinas at Tsina, lalo na sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan.

“And we are also dealing with China in a very diplomatic manner. So, walang hindi magandang relasyon sa China,” ani Castro.

Tugon ito sa pahayag ni Atty. Salvador Panelo Jr., tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, na hindi dapat ituring na kaaway ang buong Tsina o gamitin ito sa umano’y propaganda sa pulitika.

Binigyang-diin ni Castro na magkaibang usapin ang pakikipag-ugnayan sa Tsina para sa kalakalan at pamumuhunan at ang pagtatanggol sa soberanya at pambansang interes ng Pilipinas.

“Hindi puwedeng sabihin na dine-demonize ang China. There is no prohibition in dealing with China in relation to trade and investment. Alam naman natin iyan,” aniya.

“Iba naman ang usapan kung ipinaglalaban natin ang sarili nating teritoryo at ang interes natin sa West Philippine Sea. Magkaiba ‘yun, huwag pagsamahin,” dagdag niya.

Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Singapore, inilarawan niya bilang “most disturbing aspect” ang alegasyon na tumanggap si Duterte ng pera mula sa Tsina. Sinabi rin ng Pangulo na maaari itong maging banta sa pambansang seguridad sa pinakamataas na antas kung mapatutunayan.

Gayunman, binigyang-kahulugan ni Duterte ang pahayag ng Pangulo bilang pag-amin na itinuturing siya nitong banta sa bansa simula pa noong 2023.

Nilinaw ni Castro na ang tinutukoy ng Pangulo ay ang alegasyon ng pagtanggap ng pondo mula sa Tsina para sa mga layuning pampulitika, na maaaring magdulot ng banta sa pambansang seguridad kung mapatutunayan ng ebidensya.

“Huwag agad mag-react nang hindi binabasa kung ano mismo ang salita ng Pangulo dahil ang iyong magiging mensahe ay pawang kasinungalingan o pawang hindi relevant dahil mali,” ani Castro.

Iginiit ni Castro na hindi niya inaakusahan si Duterte, kundi tumutugon lamang sa mga alegasyong may kaugnayan sa Bise Presidente.

Hinamon din niya si Duterte na magpaliwanag tungkol sa Calle88 Foods Corp., isang kompanyang iniuugnay sa Bise Presidente at sa kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, kaugnay ng mga ulat na tumanggap ito ng milyun-milyong pisong pondo mula sa ibang bansa sa kabila ng napaulat na pagkakaroon lamang ng dalawang empleyado.

“Anong klaseng negosyo ito? Bakit dumadami ang pondong pumapasok mula sa ibang bansa? Walang manufacturing establishment tayong nakikita,” tanong ni Castro.

“Kung wala namang mapapakitang ebidensya na nagkakaroon ng ganoong klaseng negosasyon sa mga dayuhan na nakaaapekto sa pulitika natin, sa gobyerno natin, walang magiging problema, walang magiging isyu,” dagdag niya.

(CHRISTIAN DALE)

116

Related posts

Leave a Comment