AKTIBONG PULIS AT EX-ARMY, TIMBOG SA PAGBEBENTA NG BARIL

DINAMBA ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang aktibong pulis at dating sundalo sa ikinasang buy-bust operation.

Ayon sa ulat ng pulisya, inaresto ang dalawang suspek noong Martes ng hapon sa Barangay Puelay, Villasis, Pangasinan.

Ang isang suspek ay may ranggong police chief master sergeant at nakatalaga sa Cuyapo Municipal Police Station sa Nueva Ecija, habang ang isa pang suspek ay 41-anyos na dating miyembro ng Philippine Army.

Nakuha sa operasyon ang isang Bushmaster 5.56-millimeter rifle, isang caliber .45 pistol, mga magazine, bala at boodle money na ginamit sa transaksiyon.

Narekober din sa pulis ang issued firearm na Glock 17 9mm pistol na may magazine at mga bala.

Nasa kustodiya na ng CIDG Pangasinan ang nahuling mga suspek para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

(TOTO NABAJA)

78

Related posts

Leave a Comment