MARIING iginiit ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nanggugulo ang Pilipinas sa rehiyon sa patuloy nitong pagtatanggol sa maritime rights at sovereign rights ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro, hindi uurong ang Pilipinas sa paninindigan nito sa WPS at iba pang lugar na inaangkin o pilit na inaangkin ng China. Giit ni Teodoro, ang China ang dapat managot sa mga tensiyon sa rehiyon dahil sa mga kilos nito na kinukuwestiyon ng Pilipinas at iba pang mga bansa.
“Ang troublemaker dito ay China,” ayon sa kalihim. Ginamit ni Teodoro bilang patunay ang pagsusulong ng mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ng Code of Conduct sa South China Sea, na layong magtakda ng mga tuntunin para maiwasan ang mga alitan sa karagatan. “Kasi within ASEAN hindi naman kailangan ng code of conduct o with other countries hindi, hindi dahil China lang naman ang nagmamalabis,” paliwanag niya.
Tinukoy rin ng kalihim ang mga bansang Japan, South Korea, Australia, New Zealand, mga miyembro ng Pacific Islands Forum, kabilang ang Palau, at India na nagpahayag din ng mga alalahanin kaugnay ng mga kilos ng China sa kani-kanilang rehiyon.
Ayon kay Teodoro, tinatawag ng China na provocative ang ilang hakbang ng mga bansang ito upang ipagtanggol ang kanilang mga interes.
“Pati yung India ngayon, provocative doon sa land boundary nila. So, ang troublemaker dito ay China. Maliwanag na maliwanag at hindi ako makakatanggap ng ibang naratibo diyan,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Teodoro na ipinaglalaban lamang ng Pilipinas ang kinabukasan nito bilang isang bansang may mas maliit na kakayahan kumpara sa China. Sinabi rin niyang nakakaapekto ang mga hakbang ng China maging sa South Pacific, kabilang ang pagpapaputok nito ng missile, at kinuwestiyon ang pagiging maaasahan nito sa pagpapanatili ng matatag na ugnayan sa ibang mga bansa.
Samantala, nagpahayag din ng kaparehong paninindigan si AFP Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad matapos kuwestiyunin ni Vice President Sara Duterte kung ipinagbabawal na bang makipag negosyo sa China dahil itinuturing itong panganib sa pambansang seguridad.
Ayon kay Duterte, ang ganitong pananaw ay maaaring magmukhang “troublemaker of Southeast Asia” ang Pilipinas.Nilinaw ni Trinidad na hindi maituturing na panggugulo ang pagtatanggol ng isang bansa sa sarili nitong teritoryo at mga karapatang pandagat na kinikilala ng internasyonal na batas. Aniya, ang pagtatanggol sa mga legal at lehitimong karapatan ng bansa ay hindi nangangahulugang nag-uudyok ito ng kaguluhan.Idinagdag ng opisyal na ginagamit umano ng mga bansang nananamantala o umaangkin sa teritoryo ng iba ang mga baluktot na naratibo upang isulong ang kanilang sariling interes.
Samantala, muling pinagtibay ng AFP ang suporta nito sa pasya ng DND na pansamantalang suspindihin ang military-to-military communications sa pagitan ng Pilipinas at China.Ayon kay Trinidad, mahalaga ang tiwala sa isa’t isa at tapat na paggalang sa internasyonal na batas upang maging epektibo ang anumang pag-uusap sa pagitan ng dalawang bansa.
(JESSE RUIZ)
86 