KINUWESTIYON ng Malacañang ang naging reaksyon ni Vice President Sara Duterte sa pagkakasabat ng mga ilegal na droga sa mga operasyon ng awtoridad sa Southeast Asia, na sinabing tila hindi nito nabigyang-pansin ang mga pagsisikap ng administrasyong Marcos na pigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nakapagtataka ang mabilis na reaksyon ni Duterte sa pagkakasabat ng droga sa ibang bansa, samantalang hindi umano ito nagpapakita ng kaparehong atensiyon sa mga operasyon laban sa ilegal na droga sa Pilipinas.
Nauna rito, sinabi ni Duterte na ikinahihiya niya ang pagkakadawit ng Pilipinas sa ilegal na kalakalan ng droga sa Southeast Asia matapos lumitaw sa mga ulat na ang bansa ang destinasyon ng malalaking shipment ng ilegal na droga na planong ipadala mula Laos sakay ng private jet.
“Nakakapagtaka na sa lahat-lahat po ng nai-intercept na mga ilegal na droga ay ito ang tanging … bukod-tangi — kung mayroon akong maling nasabi, ako ay inyong ikorek — pero parang ito ang bukod-tanging napakabilis na mag-react ng Bise Presidente,” ani Castro.
Tinukoy ni Castro ang mga operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kabilang ang pagkakasamsam ng shabu na nagkakahalaga ng P43.7 milyon mula sa walong abandonadong parcel noong Oktubre 5 at ang pagharang sa ketamine na nagkakahalaga ng P20.7 milyon sa Clark noong Oktubre 6.
Binanggit din niya ang hiwalay na pagkakasabat ng shabu na nakatago sa isang makinarya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Castro, iniulat din ng PDEA na ang mga ilegal na drogang nasabat sa isang regional case ay patungo sa Mindanao at iniuugnay sa Golden Triangle, isang kilalang sentro ng produksyon at kalakalan ng ilegal na droga sa Southeast Asia.
Muli ring binanggit ni Castro ang 2018 magnetic-lifter case, kung saan natuklasan ng mga awtoridad ang hinihinalang shabu sa loob ng mga magnetic lifter.
Binigyang-diin ni Castro na patuloy na inilalahad ng administrasyon sa publiko ang mga nakukumpiskang ilegal na droga at ang mga operasyong isinasagawa ng mga awtoridad laban sa kalakalan nito.
(CHRISTIAN DALE)
92 