GUSOT SA LEARNING MODULES TATALUPAN NG SENADO

TINIYAK ng mga senador na tatalakayin sa Senado ang mga pagkakamaling nadiskubre sa mga learning materials na ipinamahagi sa mga mag-aaral.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, simula nang magbukas ang klase ngayong taon, ilang beses nang kinastigo ang Department of Education (DepEd) dahil sa mga pagkakamaling natagpuan sa self-learning modules (SLMs) na ipinamamahagi, kabilang na ang mga episode sa DepEd TV.

Pinuna kamakailan ang isang pagguhit na ipinakikita ang mga magsasakang may sira-sirang damit, isang paglalarawan na itinuring na nagpapalaganap ng mga stereotype.

Ayon kay Gatchalian, hindi lamang kawastuhan sa mga aralin ang dapat tiyakin sa proseso ng quality assurance kung saan mahalaga rin aniya ang pagiging sensitibo sa paglalarawan at pagbibigay ng representasyon sa iba’t ibang mga pangkat at sektor ng lipunan.

“Bahagi dapat ng pagsusuri sa mga aralin ang pagtiyak na ang mga ito ay sensitibo sa kung paano natin bigyan ng representasyon ang iba’t ibang sektor ng ating lipunan,” ayon kay Gatchalian.

Sa panig naman ng DepEd, hindi umano nito pinalalagpas ang anomang uri ng diskriminasyon at stereotyping kung kaya’t magsasagawa ito ng imbestigasyon sa insidente at maglalabas ng paglilinaw ukol sa naturang usapin.

Noong Oktubre ay inilunsad ng DepEd ang ‘Error Watch’, kung saan maaaring iulat ng publiko ang mga pagkakamaling makikita sa learning materials. Mula Oktubre 12 hanggang 20, nasa 41 pagkakamali na ang nakita sa mga SLMs, 27 rito ay mula sa field units ng kagawaran.

“Sa pagpapatuloy ng pag-aaral sa gitna ng pandemya ng COVID-19, hindi lamang ang paghahatid ng edukasyon ang mahalaga nating talakayin. Mahalagang masiguro rin natin ang kawastuhan sa mga araling itinuturo natin sa mga mag-aaral,” pahayag ni Gatchalian.

Ayon sa DepEd, hindi dumaan sa pagsusuri nito ang mga lokal na SLMs kung saan nakita ang 27 pagkakamaling naiulat.

Upang paigtingin ang pagrepaso sa learning materials, nakikipagtulungan na ang DepEd sa mga volunteer at mga katuwang sa akademya.

Para kay Gatchalian, hindi dapat naiimprenta at naipamamahagi ang SLMs na hindi pa lubos na naiwawasto. Aniya, dapat paigtingin ang quality assurance sa mga rehiyon at division kung dito nanggagaling ang karamihan ng mga naiuulat na pagkakamali. Dagdag ng mambabatas, magdudulot ng kalituhan ang pagtuturo sa isang maling aralin. (NOEL ABUEL)

161

Related posts

Leave a Comment