Handang makipag-ayos sa Pilipinas? CHINA ‘LUMAMBOT’ SA GITNA NG WORD WAR

NAGPAHAYAG ng kahandaan ang China na pagbutihin ang relasyon nito sa Pilipinas at pangasiwaan ang mga hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng dayalogo, sa gitna ng tumitinding palitan ng maaanghang na pahayag sa pagitan ng Chinese ambassador at ilang opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas.

Inilabas ng Chinese Embassy sa Maynila ang pahayag ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning sa isang news conference noong Oktubre 16, nang hingan siya ng komento hinggil sa naging pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan na madaling mananalo ang China sa isang military conflict laban sa Pilipinas kung gagamit ito ng puwersa.

“China’s position on improving and growing its ties with the Philippines is clear. It is hoped that the Philippines side will have a full and accurate understanding of it,” pahayag ni Mao.

Lalong umigting ang palitan ng maaanghang na pahayag matapos ilarawan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang China bilang nag-iisang “troublemaker in the region,” kasunod ng pagbasura ng Beijing sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na nagiging “troublemaker of Southeast Asia” ang Pilipinas.

Tinukoy rin ng Chinese Embassy ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tila pagbabanta ang naging pahayag ni Jing.

Samantala, muling inakusahan ng Chinese Embassy ang ilang politiko na anti-China at “maliciously distorting the facts for political gain” kaugnay ng naging pahayag ni Jing sa Second Diliman Dialogues noong Oktubre 15. Gayunman, hindi pinangalanan ng embahada ang mga politikong tinutukoy nito.

Kinondena naman ng ilang mambabatas, ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Rear Adm. Jay Tarriela ang kontrobersiyal na pahayag ni Jing.

Sa kabila nito, iginiit ng Chinese Embassy na itinuturing nito ang Pilipinas bilang isang malapit na kapitbahay at kaibigang bansa na may malalim na ugnayang pangkasaysayan at pangkultura sa China.

Binigyang-diin din ng embahada na hindi kailangang mamili ng Pilipinas sa pagitan ng China at Estados Unidos.

“Differences should be managed through dialogue; outside forces should not be allowed to steer bilateral relations toward confrontation. China is ready to work with all sectors of Philippine society to promote dialogue, deepen trust, and expand mutually beneficial cooperation,” pahayag ng embahada.

(CHRISTIAN DALE)

104

Related posts

Leave a Comment