BAGONG PCG COMMANDANT OPISYAL NANG NANUNGKULAN

OPISYAL nang nanungkulan si Vice Admiral Rommel A. Supangan bilang bagong commandant ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos siyang italaga at panumpain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Pinalitan ni Supangan si retired Admiral Ronnie Gil Gavan, na nagretiro na bilang ika-30 commandant ng PCG.

Isinagawa ang change-of-command ceremony sa punong himpilan ng PCG sa Port Area, Maynila, kung saan binigyang-diin ang pagpapatuloy ng tungkulin ng ahensya sa pangangalaga sa mga baybayin ng bansa at pagtiyak sa kaligtasan at seguridad sa karagatang sakop nito.

“Today’s ceremony marks not only the leadership transition but also the continuity of the PCG’s commitment to professionalism, integrity, and dedicated service to the nation,” ayon sa PCG kaugnay ng seremonya.

Nauna nang inanunsyo ng Malacañang ang pagkakatalaga kay Supangan noong Lunes, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro.

Si Supangan, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Marilag” Class of 1995, ay may mahigit tatlong dekada nang serbisyo sa PCG at humawak ng mahahalagang posisyon sa maritime operations, environmental protection at strategic affairs.

Bago italagang commandant, nagsilbi siyang commander ng PCG Marine Environmental Protection Command mula Pebrero hanggang Oktubre 2026 at commander ng Coast Guard Fleet mula Hunyo 2025 hanggang Oktubre 2026.

Naging acting director din siya ng Coast Guard Strategic Studies and International Affairs Center mula Hunyo 2025 hanggang Pebrero 2026 at pinamunuan ang Coast Guard District Palawan.

Nagtapos si Supangan ng Bachelor of Science degree in Naval System Engineering sa PMA at Master of Science in Maritime Affairs, major in Marine Environment and Ocean Management, sa World Maritime University sa Sweden.

Kabilang sa mga natanggap niyang pagkilala ang PMA Cavalier Award for Coast Guard Operations sa ilalim ng Senior Officer Category at mga unit commendation para sa Coast Guard District Palawan.

Ayon kay Castro, inaasahang ipagpapatuloy ni Supangan ang mandato ng PCG na pangalagaan ang mga baybayin ng Pilipinas at tiyakin ang kaligtasan at seguridad sa karagatan ng bansa.

(Ulat nina JESSE RUIZ at CHRISTIAN DALE)

83

Related posts

Leave a Comment