HINDI nawawalan ng pag-asa ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maaayos ang relasyon ng Pilipinas at China sa kabila ng tumitinding tensiyong diplomatiko kasunod ng kontrobersiyal na pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan tungkol sa West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nananatiling kumpiyansa ang Malacañang na mapananatili ang maayos na ugnayan ng dalawang bansa.
Giit ni Castro, ayaw ng administrasyon na makapinsala sa bilateral relations ang hidwaan, partikular sa larangan ng economic cooperation, habang nananatiling matatag ang paninindigan ng Pilipinas sa pagprotekta sa mga karapatan nito sa karagatan.
Nag-ugat ang pinakahuling tensiyong diplomatiko sa pahayag ni Ambassador Jing na maaaring madaling manalo ang China laban sa Pilipinas kung pipiliin nitong gumamit ng puwersa sa West Philippine Sea.
“You should feel fortunate enough that you have a neighbor like China in this region. If we want to use force, we may easily win. But no, we will not choose force, and we love peace,” pahayag ni Jing sa mga mamamahayag noong Oktubre 15, sa sidelines ng ikalawang Diliman Dialogues sa Quezon City.
Dahil dito, ipinatawag ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro si Jing noong Lunes upang ipahayag ang mariing pagtutol ng Pilipinas sa kanyang pahayag na itinuturing ng pamahalaan na naglalaman ng banta ng paggamit ng puwersa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), tinawag ni Lazaro na “provocative” at “unacceptable” ang pahayag ng ambassador at sinabing hindi ito nakatutulong sa pagpapalalim ng pagkakaunawaan ng dalawang bansa.
Binigyang-diin ni Lazaro na lalo lamang pinalalala ng ganitong mga pananalita ang sensitibong kalagayan ng bilateral relations at pinahihina ang mga pagsisikap ng dalawang bansa na bumuo ng pagkakaunawaan at kooperasyon.
Matabang sa Persona Non Grata
Nauna nang sinabi ng Malacañang na hindi nais ni Pangulong Marcos na ideklarang persona non grata ang sinomang kinatawan ng ibang bansa.
Kasunod ito ng panawagan ng ilang mambabatas na ideklarang persona non grata si Jing matapos ang kanyang pahayag tungkol sa posibleng paggamit ng pwersa laban sa Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Castro, hindi nais ng Pangulo na umabot sa ganitong hakbang ang usapin.
“Alam natin ang pananaw ng Pangulo. Hindi po niya nanaisin na magkaroon ng ganitong klaseng pagdedeklara kahit kanino pa mang representative ng ibang bansa dito sa ating bansa,” pahayag ni Castro.
Gayunman, igagalang ng Malacañang ang mga saloobin at opinyon ng ibang lider at senador hinggil sa usapin.
“Iginagalang po natin ang kanilang mga saloobin o kanilang mga opinyon at nararamdaman,” ani Castro.
Binigyang-diin din ng opisyal na maingat ang Pangulo sa kanyang mga pahayag at hakbang na may kaugnayan sa pakikipag-ugnayan sa ibang bansa dahil maaari itong makaapekto sa Pilipinas at sa mga mamamayan nito.
“Alam naman natin, ang Pangulo ay Pangulo. Ang lahat ng sasabihin niya ay maaaring makaapekto sa ating bansa at sa ating mga kababayan. Kaya hindi nagiging agresibo ang Pangulo sa kanyang mga pananaw patungkol sa anumang relasyon at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa,” dagdag ni Castro.
Sa kabila ng tensiyon, nananatiling bukas ang Pilipinas sa diplomatikong pakikipag-ugnayan sa China habang ipinaglalaban ang mga karapatan at interes nito sa West Philippine Sea.
(CHRISTIAN DALE)
124 