ISINUSULONG ni Senator Mark Villar ang mandatoryong libreng Health Maintenance Organization (HMO) coverage para sa mga kawani ng pamahalaan upang mapalawak ang kanilang access sa serbisyong medikal at mabawasan ang gastusing pangkalusugan ng kanilang mga pamilya.
Ayon kay Villar, nararapat lamang na matiyak ang kalusugan at kapakanan ng mga lingkod-bayan na katuwang ng pamahalaan sa paghahatid ng mga serbisyo sa publiko.
“Ang ating mga kawani ng pamahalaan ay mahalagang katuwang sa pagsusulong ng kaunlaran at paghahatid ng serbisyo publiko. Nararapat lamang na matiyak ang kanilang kalusugan at kapakanan, lalo na sa panahon ng pagkakasakit at mga medikal na emergency,” ani Villar.
Bagama’t nagbibigay ng health insurance ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), sinabi ng senador na maaaring hindi sapat ang mga benepisyo nito upang masaklaw ang kabuuang gastos sa pagpapaospital, pagpapagamot at iba pang pangangailangang medikal.
Dahil dito, napipilitan pa rin ang mga kawani na sagutin mula sa sariling bulsa ang malaking bahagi ng kanilang gastusing medikal.
Sa ilalim ng panukala ni Villar, gagawing regular at mandatoryong benepisyo ang libreng HMO coverage para sa mga kawani ng pamahalaan. Magbibigay ito ng karagdagang access sa konsultasyon, preventive care at pagpapagamot, habang binabawasan ang pinansiyal na pasanin dulot ng mga hindi inaasahang gastusing medikal.
Layunin din nitong hikayatin ang mga kawani na magpakonsulta nang maaga upang maiwasan ang paglala ng mga karamdaman.
Kabilang sa mga umiiral na hakbang ng pamahalaan ang Budget Circular No. 2024-6 ng Department of Budget and Management (DBM), na naglalaan ng taunang medical allowance na hanggang ₱7,000 para sa mga kwalipikadong kawani ng pamahalaang sibil upang matustusan ang HMO-type benefits.
Samantala, sa ilalim ng Ginhawa Health Assistance Loan (G-HEALTH), maaaring umutang nang walang interes ang mga kwalipikadong miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) upang bayaran ang kanilang HMO premiums.
Gayunman, isinusulong ni Villar ang mas pangmatagalang solusyon sa pamamagitan ng pagtatakda ng libreng HMO coverage bilang mandatoryong benepisyo, sa halip na umasa lamang sa limitadong medical allowance o pautang na kailangan pang bayaran.
Binigyang-diin ng senador na ang pangangalaga sa kalusugan ng mga lingkod-bayan ay mahalaga upang patuloy nilang magampanan nang mahusay ang kanilang mga tungkulin.
“Ang pangangalaga sa kalusugan ng ating mga lingkod-bayan ay pamumuhunan sa kinabukasan ng ating bansa. Kapag may maaasahan silang serbisyong pangkalusugan, mas makapagtutuon sila sa kanilang tungkulin sa taumbayan,” pagtatapos ni Villar.
(DANNY BACOLOD)
114 