MULING itinanggi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang mga espekulasyong tatakbo siya sa halalan sa 2028, at iginiit na ang madalas niyang pag-iinspeksyon sa mga proyekto ay para matiyak ang pagkumpleto ng mga naantalang imprastraktura, hindi para sa publicity o pangangampanya.
Ayon kay Dizon, hindi rin layunin ng kanilang pag-iinspeksyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Lopez na makakuha ng atensyon ng publiko, kundi matiyak na matatapos ang mga proyektong matagal nang hindi nakukumpleto.
“Kami ni Sec. Banoy, hindi naman kami politiko e. Itaga niyo sa bato, you will never see us on the ballot,” pahayag ni Dizon.
Binigyang-diin ng kalihim na kailangang personal na inspeksiyunin ng mga pinuno ng departamento ang mga proyektong isinasagawa upang matugunan ang kawalan umano ng agarang pagkilos sa hanay ng ilang lokal na opisyal ng DPWH at mga attached agency ng DOTr.
“The culture of these departments, unfortunately, is really a culture of just leaving things as they are. There is zero sense of urgency in these departments. A district engineer sees an unfinished road, balewala. An unfinished bridge, balewala. They don’t care,” ani Dizon.
Iginiit niyang kailangang mahigpit na bantayan ng mga kalihim ang mga proyekto, magtakda ng malinaw na timeline, tiyakin ang kalidad ng trabaho at pagsunod sa badyet, at panagutin ang mga sangkot sa katiwalian.
“But if the Secretary himself goes there and says, ‘Hey, hindi pwede ‘to. Kailangan ‘to, may timeline. Kailangan kayo, may quality control. Kailangan kayo, on budget. Not to mention pag nagnakaw kayo, kulong kayo, gaya ng iba niyong kasamahan na nasa Payatas na ngayon.’ Kung hindi namin gagawin yun, hindi magbabago,” dagdag niya.
Ayon pa kay Dizon, mas mabilis na natatapos ang mga proyekto kapag mahigpit ang pangangasiwa at pagsubaybay ng mga opisyal.
“Pag pinukpok namin sila—six months, natatapos. Forty-five days, natatapos,” giit ng kalihim.
Ilang ulit nang sinabi ni Dizon na prayoridad ng DPWH na tapusin muna ang mga hindi pa natatapos na proyekto sa iba’t ibang bahagi ng bansa bago magpasimula ng mga bagong imprastraktura.
Kaugnay nito, isinusulong niya ang mga multi-year project contract sa ilalim ng panukalang 2027 national budget upang matiyak na tuloy-tuloy ang pagpopondo sa mga kasalukuyang proyekto.
“This was our first post-flood control budget… What we want as a policy is basta ongoing na yan, automatic may appropriation na yan. If it can be built in two, three years, then the appropriation must be for two to three years,” pahayag ni Dizon.
Aniya, makatutulong ang ganitong sistema upang hindi maabandona ang mga proyekto tuwing may napapalitang opisyal ng pamahalaan.
“Common sense, but unfortunately not very common in government. That has never been done in DPWH. They will start it, then when the congressman or the secretary or the governor changes, they will forget about it. It’s crazy. And that’s why you see projects all over the country na hindi natatapos,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Dizon na hinihingi na ng DPWH ang mga kinakailangang dokumento, kabilang ang mga programa ng trabaho (programs of work) at pag-apruba ng mga lokal na pamahalaan, bago maisama ang mga proyekto sa panukalang pambansang badyet.
(CHRISTIAN DALE)
121 