TINATAYANG 26,000 pulis ang ide-deploy ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Metro Manila para tiyakin ang seguridad ng publiko sa paggunita ng Undas 2026.
Ayon kay Police Brigadier General Christopher N. Abrahano, officer-in-charge ng NCRPO, bahagi ng paghahanda ang paglalagay ng mga pulis sa mga sementeryo, memorial park at columbarium sa buong rehiyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga bibisita.
Kasabay nito, pinaghahandaan na rin ng NCRPO ang ika-49 na ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong na nakatakdang idaos sa Nobyembre 16 hanggang 18.
Ayon kay Abrahano, halos lingguhan na ang kanilang mga pagpupulong upang talakayin ang mga aktibidad, pangangailangan sa seguridad at posibleng dagdag na tauhan mula sa iba pang rehiyon.
Inaasahan ang mas pinaigting na presensiya ng pulisya at pagbabantay sa mga pangunahing ruta. Pinalalakas din ang mga contingency plan para sa mga lugar na pagdarausan ng summit, hotel, paliparan at mga sentro ng transportasyon.
Layunin ng mga hakbang na matiyak ang kaligtasan ng mga delegado, bisita at publiko sa panahon ng mga aktibidad na may kaugnayan sa ASEAN Summit.
(TOTO NABAJA)
74 