Health Advocates nangangamba TOBACCO LOBBYIST SA MALAKANYANG?

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

IKINABABAHALA health advocates at media watchdogs ang posibilidad na pagpasok ng impluwensya ng mga tobacco lobbyist sa loob mismo ng Malacañang.

Ito ay kasunod ng lumutang na mga balita na si Dave Gomez, dating opisyal ng Philip Morris International sa lokal nitong kaalyado na PMFTC Inc., ay itinutulak na pumalit kay Jay Ruiz bilang pinuno ng Presidential Communications Office (PCO).

Para sa mga naturang grupo, ang pagpasok ni Gomez ay posibleng magdulot ng mas malalim na problema.

Ayon sa mga source na may kaalaman sa deliberasyon sa loob ng Palasyo, hindi lamang itinuturing si Gomez bilang kapalit ni Ruiz kundi posibleng maging pangunahing strategist sa mensahe para sa mga sektor na kaalyado ng industriya—isang hindi opisyal na “point person” ng mga lobbyist, kabilang na ang tobacco industry. Para sa mga grupo sa kalusugan, ito ay lubhang nakababahala.

Isang ulat mula sa The Examination na pinamagatang “How industry capture of Filipino officials helped deadlock global tobacco control negotiations” ang nagsiwalat kung paano ang ilang delegado ng Pilipinas sa pulong ng World Health Organization’s Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) sa Panama ay aktibong pumabor sa interes ng industriya. Ayon sa ulat, ang mga pahayag at aksyon ng mga opisyal ay tumutugma sa retorika ng mga kumpanya ng sigarilyo—na humadlang sa mga pandaigdigang pagsisikap na higpitan ang regulasyon sa mga produktong may nikotina.

Ibinunyag din sa ulat na ikinahiya ni Senador Pia Cayetano—isang pangunahing tagapagtanggol ng pampublikong kalusugan—ang naging papel ng Pilipinas sa pulong, matapos umanong magsilbing tagapagtanggol pa ng industriya ng tabako ang mga kinatawan ng bansa.

Sa ganitong konteksto, itinuturing ng mga kritiko ang posibilidad ng pagtatalaga kay Gomez bilang isang “mapanganib na senyales” hinggil sa prayoridad ng administrasyong Marcos.

“Ito ay textbook example ng regulatory capture,” ayon sa isang dating opisyal sa sektor ng kalusugan. “Kapag iniluklok mo ang isang beteranong tagapagsalita ng industriya sa isang makapangyarihang posisyon sa gobyerno, bigla na lamang nagiging malabo ang linya sa pagitan ng serbisyong pampubliko at pansariling interes.”

Ang matagal nang pagkawala ni Gomez sa mundo ng pamamahayag—mahigit 25 taon na ang nakaraan—ay lalong nagpapalalim sa agam-agam. Sa kasalukuyan, ang media landscape ay dominado ng social media platforms, real-time public engagement, at bagong henerasyon ng mga mamamahayag at digital influencers. Ang kanyang kakulangan ng koneksyon at kaalaman sa modernong midya ay maaaring magbunga ng estratehiyang luma, hindi epektibo, at salat sa pulso ng masa—sa panahong kailangan ng administrasyon ang mabilis at tumatagos na komunikasyon.

Habang sinusulat ito, walang kumpirmasyon mula sa Malacañang kung may pinal na desisyon na. Ngunit ang posibilidad na italaga ang isang dating opisyal ng tobacco industry na pinuno ng komunikasyon ng gobyerno ay isa nang malaking usapin. Sa panahong marupok ang tiwala ng publiko sa mga institusyon, ang pinakahuling kailangan ng administrasyon ay ang impresyon—o mas masahol, ang realidad—na ang mensahe ng pamahalaan ay pinipihit ng mga dating tagapagsilbi ng Big Tobacco.

132

Related posts

Leave a Comment