SUMIPA sa mahigit 2.5 million katao ang nabakunahan sa pag-arangkada ng 3-day National Vaccination Drive.
Sa talaan ng National Vaccination Operation Center (NVOC), may 2,554,023 ang nabakunahan sa unang araw ng bakunahan nitong Lunes.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NVOC Chairperson Usec. Myrna Cabotaje na ang nasabing datos ay 2.5 beses na mas mataas sa weekly average.
Ito rin ang ikalimang highest vaccination sa loob ng isang araw sa buong mundo, kasunod ng China na nakapagtala ng 22 million a day, sa US na 3.48 million at Brazil na 2.6 million.
Kabilang aniya ang Regions 4A, 3, 6, 7 at 5 sa mga may pinakamaraming nabakunahan sa bansa.
Samantala, dahil sa banta ng Omicron variant, pinapipili na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga hindi bakunado kung gusto nilang “matagal na mabuhay o gusto nang mamatay.”
“Iyong ayaw magpabakuna, madali lang man ‘yan. Mamili ka: matagal kang mabuhay o gusto mo nang mamatay?” ayon sa Pangulo sa televised meeting kasama ang National Task Force (NTF) Against COVID-19 at medical experts sa Malakanyang.
Unfair kasi aniya sa mga fully vaccinated na hayaan na lamang ang mga hindi bakunado na hindi magpabakuna na magiging dahilan naman para magkalat pa ang mga ito ng novel coronavirus. (CHRISTIAN DALE)
