HINDI bunga ng imahinasyon ang mga paratang laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio tulad ng kwestiyonableng paggastos sa kanyang confidential at intelligence funds, pagbabanta sa buhay ng mga lider ng bansa at iba pa na naging dahilan para ma-impeach siya.
Ginawa ni Lanao del Sur representative Zia Alonto Adiong ang pahayag dahil imbes na harapin at sagutin ni VP Duterte ang mga paratang laban sa kanya ay lagi niyang sinasabi na ‘dahil sa politika” ang mga ito saka mag-aakusa na wala namang maipakitang ebidensya.
“VP Sara keeps pointing fingers to divert attention, but the facts are clear—what needs to be answered are the questionable disbursements of confidential funds under her watch, not imaginary corruption in the House of Representatives,” ani Adiong.
Sinabi ng mambabatas na ang mga alegasyon laban kay Duterte ay nag-ugat sa mga natuklasan ng Commission on Audit (CoA) at mga record ng paggastos mula sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Base sa mga dokumento aniya, ginastos ni Duterte ang unang P125 milyong confidential funds sa loob ng 11 araw lamang noong Disyembre 2022 at noong 2023 ay umabot sa P375 milyon ang nagastos ng OVP at P112.5 milyon naman sa DepEd.
Ayon umano sa mga dokumento mula sa CoA, nilaanan ng mga intelligences asset ang mga kahina-hinalang pangalan tulad nina ‘Mary Grace Piattos’, ‘Kokoy Villamin’, ‘Xiaomi Ocho’ at ‘Jay Camote’, subalit kung natatanong dito ang pangalawang pangulo ay nagpaparatang ito ng katiwalian sa gobyerno o kaya sinasabing “dahil sa politika.”
“These are not political narratives but findings backed by audit observations and sworn testimonies. The Vice President should stop diverting attention from her own accountability,” mariing pinunto ni Adiong.
Gayun pa man, sinabi ng mambabatas na kapag tuluyang nagsimula na ang impeachment trial laban kay Duterte ay wala itong opsyon kundi sagutin ang mga paratang na ito sa ayaw at gusto nito.
Batay sa mga ulat, iko-convene ang impeachment court sa pagbalik trabaho ng Kongreso sa Hunyo 2 at sisimulan ang pagdinig sa 11 article of impeachment sa Hulyo pagkatapos ng State of the Nation Address (SoNA) ni Pangulong Marcos Jr.
(PRIMITIVO MAKILING)
