BINATIKOS ng mga lider ng Kamara si Batangas Rep. Leandro Legarda Leviste matapos umanong magbitaw ng “unparliamentary” na privilege speech kaugnay ng alegasyon nito ng malawakang vote-buying noong 2025 elections nang walang inilatag na ebidensya.
Pinangunahan nina Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union at Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales ang pagpuna kay Leviste.
Ayon kay Ortega, hindi dapat ginagamit ang privilege speech para sa mga walang basehang akusasyon.
“Privilege is given to members so we can speak truth with courage, not so we can weaponize the floor for rumors, innuendo and baseless accusations,” ani Ortega.
Sinabi naman ni Khonghun na hindi dapat mandamay ng buong institusyon nang walang hawak na ebidensya.
“What Rep. Leviste did was unparliamentary. Hindi porket congressman ka, puwede ka nang manglait, magparatang at mandamay ng buong institusyon nang walang hawak na ebidensiya,” ayon kay Khonghun.
Naging sentro umano ng privilege speech ni Leviste ang pulitika sa Batangas ngunit umani ito ng pagtutol nang idamay na ang buong Kamara sa alegasyon ng vote-buying at mataas na gastos sa halalan sa Calabarzon.
Maging si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ay bumatikos din kay Leviste at tinawag na offensive at unfair ang general accusation nito laban sa mga mambabatas na malinis umanong lumaban sa eleksyon.
Nagbabala rin si Khonghun na ang mga walang basehang akusasyon ay maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa mga institusyon.
(TINA MENDOZA)
89 