HUSTISYA PARA KAY PERCY LAPID

BISTADOR Ni RUDY SIM

ILANG araw bago napaslang ang beteranong brodkaster na si Percival Mabasa o mas kilala sa pangalang Percy Lapid, ay nag-iwan ito ng isang babala at malalim na mensahe ­patungkol sa posibleng plano ng pagpapabagsak sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” ­Marcos, Jr.

Ang ganitong kaso ay hindi kayang iresolba sa loob lamang ng 24 oras ng mga imbestigador upang matukoy ang mga ­salarin at madakip ang sinomang nasa likod nito dahil ito’y posibleng ­pinag-aralang maigi bago isagawa ang pagpatay.

Dapat tingnan ng mga imbestigador ang mga kuha ng CCTV, isang linggo ang nakararaan mula sa mga naging galaw ng ­brodkaster na maaaring nahagip nang mas malinaw ang mga ­salarin na nagsagawa pa lamang ng surveillance upang ­mapag-aralan kung saan isasagawa ang mas perpektong target.

Sa ilang segundo at dalawang putok na tumama sa tenga at leeg ng biktima na siyang tumapos sa kanyang buhay, ay ­masasabing isang bihasa ang gunman sa paghawak ng baril at kung may ­katotohanan ang tsismis na nakasuot ang mga suspek ng BBM election shirt, ito’y malinaw na isang diversionary tactics upang ibintang sa gobyerno. Ngunit hindi naman nila magogoyo ang PNP dahil walang professional killer ang mag-iiwan ng bakas.

Palaisipan sa mga imbestigador ng Las Piñas Police, maging sa NBI na nakialam na rin sa imbestigasyon, kung may kinalaman ang pagpatay sa kanyang trabaho na maaaring may nasagasaan na malaking tao o isang magandang pagkakataon upang maging kasiraan sa gobyerno.

Kasabay nito, tila naging makahulugan ang Facebook post ng isang mataas na opisyal ng AFP na siyang nag-trending, dahil sa pahayag nitong “By shooting the messenger, you validate the ­message”, bagama’t wala itong tinukoy na pangalan ay kinondena rin niya ang pagpatay sa batikang brodkaster.

Sa mga nagdaang video upload ng programa ng biktima sa YouTube na “Lapid Fire” ay marami itong naging mainit na ­expose, isa na ang pagkakatalaga kay BI Commissioner Norman ­Tansingco, kung saan ay kinuwestyon nito ang umano’y isang travel agency na pag-aari ng opisyal na maaring maging conflict of ­interest. Kilalang naging kritiko rin ito ni PRRD at ni PBBM mula pa noong halalan at sa huli ay binanatan nito ang Red ­Tagging.

Si Percy Lapid ay matagal din nating nakasama sa BI ­media mula pa noong 90’s. Sa aming propesyon ay napakadelikado ­talaga ang magsiwalat ng katiwalian at sa aking huling karanasan, ilang taon na ang nakararaan, ay limang beses akong nakaligtas sa mga taong nais akong iligpit dahil din sa ating pagiging hard hitting ­columnist.

Sa naiwang pamilya ni Percy ay nakikiramay ang buong staff ng Saksi Ngayon at sana’y makamit ninyo ang hustisya.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

170

Related posts

Leave a Comment