KASALANAN NGA BA NG GOBYERNO ANG MATAGAL NA REPATRIATION?

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

KAHAPON ay nakita ko sa Facebook page ni Labor ­Attaché Fidel A. Macauyag o mas kilala sa tawag na Labatt FAM, ang kanyang ­pagpapaliwanag sa daloy ng pagkuha ng exit visa. Labis akong natuwa sa malinaw niyang pagpapaliwanag kung kaya ay agad ko siyang tinawagan upang ipagpaalam sa kanya na aking ilalagay sa aking kolum ang kanyang post. Magiliw naman itong nagbigay ng pagsang-ayon at idinagdag pa nga niya na ngayon ay hindi na siya labor attaché sa Riyadh, at ito na lamang ang kanyang ­munting paraan para patuloy na makatulong sa ating mga OFW at kanilang pamilya habang siya ay nagbabakasyon sa kanyang probinsya sa Mindanao.

Para sa kapakanan ng ating mga OFW at kanilang pamilya, minarapat kong isulat dito ang mga patakaran at hakbang na ipinatutupad ng Saudi Arabia para sa hanay ng household service workers (HSW) o domestic helpers (DHs), ayon sa pagpapaliwanag ni Labor ­Attache Fidel Macauyag.

Ayon kay Labatt FAM, “Literally, ang ibig sabihin ng BASMA ay SMILE sa English. Ibinibigay ito na pangalan sa baby girl.

Pero lagi natin naririnig ang salitang BASMA sa Saudi, kahit sa pag-a-apply ng final exit visa at pagpa-file ng kaso sa labor office ng Saudi. Ang ibig sabihin nito ay Biometric ­Printout. Kung ikaw kasi ay HSW at nag-runaway sa amo at mag-a-apply ka ng exit visa, dapat ay mag-basma ka muna sa ­immigration. Ang purpose ng Basma ay para malaman ang mga sumusunod:

1. Kung ikaw ay huroob o hindi;
2. Kung ikaw ay may criminal case o wala;
3. Kung ikaw ay may utang o wala;

Kung ang resulta ay Huroob ka, at walang criminal case at utang sa Saudi, pwede ka na mag-apply ng final exit visa. Pero dalawang klase ang proseso, at ito sila:

1. Kung natapos mo ang kontrata mo na 2 years at nag-runaway ka at na-huroob ka, pwede ka dumiretso ng application sa Immigration thru SAKAN;

2. Kung hindi ka pa naka-2 years sa employer mo at nag-runaway ka at hinuroob ka ng amo mo, tengga ka nang buwan-buwan sa kaharian. Ang proseso ay magpa-file ka ng application sa isang committee ng Labor Office at sila ang magpapasya kung bibigyan ka ng final exit visa. May paglilitis pa rito at maghe-hearing pa. ‘Pag ang committee ay pinaburan ka, mag-iisyu ito ng decision na tinatawag na KARAR para obligahin ang immigration na bigyan ka ng final exit visa. Sasamahan ka ng POLO o agency sa SAKAN para dalhin ang Karar sa kanila para i-process ang exit visa mo.

Ang requirement ng SAKAN ay dapat manatili ka nang at least tatlong araw sa kanilang accommodation habang hinihintay ang proseso ng exit visa mo. May bayad sa SAKAN na 172 SAR kada araw at 150 SAR para sa exit visa.

Ang mga proseso sa itaas ay tumatagal ng 2 months at lalong matagal kung hindi ka pa nakadalawang taon sa kaharian. Hindi lang kasi OFW ang sineserbisyuhan. Lahat din ng foreign workers ay sa kanila rin dumadaan, kaya pila-pila at limited lang na tao ang nadadala ng embassies kada araw para mag-process ng exit visa. Hindi kasalanan ng POLO kung may kabagalan ang proseso dahil hindi ito hawak ng POLO.

Kung lumabas naman sa basma na may pending criminal case ka sa police o prosecutor office o sa korte, o may utang ka sa kaharian, hindi ka bibigyan ng final exit visa hangga’t hindi mo na-settle ang kaso mo. Kaya may mga natetengga nang taon-taon sa kaharian na hindi makauwi dahil sa kaso o pagkakautang.

Tandaan, ang pag-uwi sa bansa mo o pagpapa-deport ng isang tao sa kaharian ay kailangan may exit visa.

284

Related posts

Leave a Comment