250K DOXYCYCLINE CAPSULES, INIHANDA NG MAYNILA LABAN SA LEPTOSPIROSIS

SA gitna ng posibilidad ng pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa Maynila, naghanda ang lokal na pamahalaan ng mahigit 250,000 doxycycline capsules na maaaring makuha sa mga health center at ospital ng lungsod.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso, mahalaga ang maagang paghahanda dahil maaaring lumabas ang impeksiyon ilang araw matapos lumusong sa baha dulot ng malalakas na pag-ulan.

Sinabi ni Mayor Isko na nakahanda ang mga ospital at health center sa ilalim ng lokal na pamahalaan sakaling tumaas pa ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis.

Aniya, mayroong pitong ospital at 44 health center sa lungsod na maaaring tumugon sa mga pangangailangang medikal ng publiko.

Kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, mas mababa pa rin umano ang naitalang kaso ng leptospirosis sa ngayon.

Gayunman, dahil sa mga inaasahang pag-ulan at pagbaha sa mga susunod na araw, posible pa ring tumaas ang bilang ng mga magkakasakit.

Binigyang-diin ng alkalde na hindi lamang para sa mahihirap ang doxycycline dahil maaari ring makinabang ang sinumang nalantad sa baha at nangangailangan ng proteksiyon, kabilang ang mga hindi residente ng Maynila.

Nanawagan naman ang Manila LGU sa publiko na iwasang lumusong sa baha hangga’t maaari.

Sakaling nalantad sa baha, pinayuhan ang publiko na agad magpatingin sa health center o ospital upang mabigyan ng tamang payo at gamot.

(JOCELYN DOMENDEN)

48

Related posts

Leave a Comment