HINIMOK ni senatorial candidate at Makati Mayor Abby Binay ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na maglabas ng opisyal na kautusan upang itigil ang pag-angkat ng asukal sa panahon ng gilingan.
Ayon kay Binay, nakipag-usap siya kay SRA Administrator Paul Azcona upang ipanawagan na maglabas ng kaukulang direktiba ang ahensya.
Kailangan aniyang gawing opisyal ang pagbabawal ng importasyon sa milling season upang mapanatili ang patas na presyo ng asukal at maprotektahan ang mga lokal na magsasaka, dagdag niya.
Isinusulong ni Binay ang pagpapalakas ng sugar industry sa pamamagitan ng modernisasyon ng sugar mills at pagpapatibay ng mga patakarang susuporta sa mga magsasaka at sa industriya.
Naniniwala siyang may potensyal ang Pilipinas na maging pangunahing producer ng asukal kung magtutulungan ang gobyerno at pribadong sektor sa pagpapabuti ng lokal na produksyon. (JESSE KABEL RUIZ)
