Kapag walang naipakitang dokumento LUXURY CARS, WAWASAKIN

Ni JOEL O. AMONGO

ITINAKDA na ng Bureau of Customs (BOC) ang pagwasak ng mga kumpiskadong luxury cars na nasabat sa isang joint operation sa Quezon City kamakailan.

Maliban sa Ferrari na una nang naisumite ang kopya ng mga dokumentong patunay na lehitimo itong binili at naipasok sa bansa, kabilang sa pinupuntiryang wasakin sa harap ng publiko ay ang P22-milyong halagang Lamborghini Murcielago, mga sports utility vehicles, customized sports cars, mga trak, mga bangkang de motor, big bikes at mga bullet-proof na sasakyang karaniwang gamit ng mga VIPs.

Sa tala ng ahensya, hindi bababa sa P500-milyon ang halaga ng mga mamahaling sasakyang inabutan sa imbakan sa Xavierville, Quezon City, at sa bayan ng San Simon sa lalawigan ng Pampanga nito lamang nakaraang linggo.

Bitbit ang mission order na pir­mado ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, sinalakay ng mga operatiba ng BOC at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nasabing showroom kung saan tumambad ang pakay ng operasyon noong Oktubre 21.

Sa gitna ng inspeksyon, wala naman anilang naiprisintang mga kaukulang dokumentong magpapatunay na legal ang pag-angkat ng mga nasabing sasakyang sadyang para lamang sa mga yaya­manin.

Agad na inimbentaryo ng kawanihan, kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang mga nasabing sasakyan.

Binigyan naman ng BOC ng 15 araw na palugit na magtatapos sa Nobyembre 5, ang mga may-ari ng mga mamahaling sasakyan para isumite ang mga kaukulang mga dokumento – kung mayroon man, bago pa nila tuluyang embargohin batay sa mga umiiral na panuntunan sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

94

Related posts

Leave a Comment