P165.9B BUWIS, NALIKOM SA ANTI-FUEL SMUGGLING

NAGBUNGA ng tumataginting na P165.9 bilyon ang kinita ng pamahalaan sa ilalim ng isang mekanismong inilatag para tiyaking bayad ang buwis ng mga produktong petrolyong ibinebenta ng mga kumpanya ng langis sa merkado.

Mula buwan ng Enero hanggang Disyembre, umabot naman sa mahigit 17 bilyong litro ng gasolina, krudo at kerosene ang ininspeksyon ng Bureau of Customs (BOC) sa mga establisimyentong nagbebenta ng mga produktong petrolyo sa mga motorista at mga kapitalista.

Inumpisahang ipatupad noong Setyembre 2019, ang Fuel Marking Program ayon pa sa BOC ay isang programang nagbibigay katiyakang nalilikom ng gobyerno ang karampatang buwis mula sa mga dambuhalang oil compa­nies at mga retail stations nito.

Sa ilalim ng nasabing programa, nagawa rin ng kawanihang makakumpiska ng halos 87,000 litro ng krudo at kerosene, bukod pa sa dalawang trak na naglalaman ng walang markang petrolyo – patunay na hindi binayaran ang katapat na buwis sa pamahalaan.

Ayon sa BOC, sinampahan na rin ng karampatang asunto ang mga gasoline stations at may-ari ng mga nasabing sasakyang nag­hahatid ng mga smuggled fuel sa mga kasapakat ng establisimyento.

Mula nang ipatupad ang nasabing programa, umabot na sa 34.59 bilyong litro ang nasuri ng kawanihang nakalikom ng kabuuang halagang P313.98 bilyon.

 

Related posts

Leave a Comment