INTERNATIONAL MEDIA CENTER PARA SA 49TH ASEAN SUMMIT, BINUKSAN

BINUKSAN na ng mga organizer ang International Media Center (IMC) sa World Trade Center sa Pasay City bilang working area ng mga lokal at dayuhang mamamahayag na magko-cover sa 49th ASEAN Summit and Related Summits na gaganapin sa Metro Manila mula Nobyembre 15 hanggang 17, 2026.

Isinagawa kahapon ang soft opening ng media center na matatagpuan sa Hall B ng World Trade Center. Mananatili itong bukas hanggang Nobyembre 17 upang magsilbing workspace ng mga mamamahayag na mag-uulat sa tatlong araw na pagtitipon.

Tinatayang 5,000 delegado, lider ng iba’t ibang bansa at mamamahayag ang inaasahang dadalo sa summit, na Pilipinas ang magsisilbing host.

Bukod sa mga pasilidad para sa media delegates, tampok din sa loob ng IMC ang mga exhibit na nagtatampok sa iba’t ibang produktong Pilipino.

Nabatid na nagsagawa na rin ng walkthrough si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga pangunahing pagdarausan ng summit, kabilang ang World Trade Center.

Umaasa naman ang Malacañang na magdadala ang pagtitipon ng mas maraming turista at magbubukas ng oportunidad para sa mga lokal na komunidad at maliliit na negosyo.

Inaasahan din itong maging pagkakataon upang maipakita sa mga dayuhang bisita ang ganda ng Pilipinas at ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino.

(JESSE RUIZ)

27

Related posts

Leave a Comment