ARESTADO sa inilunsad na joint police at military law enforcement operation noong Lunes ang isang 23-anyos na babae na kabilang sa no. 1 most wanted person ng lalawigan ng Eastern Samar at umano’y miyembro ng komunistang New People’s Army (NPA) sa bayan ng Dolores.
Kinilala ng Police Regional Office 8 (PRO-8) ang naarestong suspek sa alyas na “Marie,” residente ng rin ng Dolores.
Ayon sa dossier ng PNP, ang nadakip ay nakatalaga bilang medical personnel sa isang yunit ng NPA sa ilalim ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC), na kumikilos sa mga bayan ng Gamay, Mapanas, at Palapag sa Northern Samar.
Naaresto siya sa Sitio Casapa, Barangay Denigpi-an, Dolores, sa bisa ng mga warrant of arrest sa kasong paglabag sa Republic Act 11479, o ang Anti-Terrorism Act of 2020, dalawang bilang ng murder, tatlong bilang ng frustrated murder, at robbery.
Isinagawa ang operasyon ng 801st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 8, sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang police intelligence at investigation unit, Dolores Municipal Police Station, iba pang yunit ng pulisya sa Eastern Samar, at 52nd Infantry Battalion ng Philippine Army.
Dinala ng mga awtoridad ang suspek sa Dolores Municipal Police Station para sa dokumentasyon at karampatang disposisyon.
Sinabi ni Brig. Gen. Romano Cardiño, direktor ng PRO-8, ang pag-aresto ay nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng regional police office na matunton at mahuli ang mga wanted na indibidwal sa pamamagitan ng intelligence-led operations at pakikipagtulungan sa iba pang law enforcement agency.
Idinagdag pa niya na patuloy na palalakasin ng pulisya ang pagkalap ng intelligence information at pakikipagtulungan sa ibang ahensya upang matiyak na ang mga indibidwal na may kinahaharap na kasong kriminal at umiiral na warrant of arrest ay maihaharap sa batas.
(JESSE RUIZ)
177 