MGA MANGINGISDA, IBA PANG GRUPO SUMUGOD SA BFAR PARA IGIIT REPORMA SA FISHERIES CODE

IGINIIT ng mahigit 100 mangingisda, mamimili at kinatawan ng iba’t ibang grupo ang agarang pag-amyenda sa Republic Act No. 8550 o Fisheries Code of the Philippines upang maisulong ang reporma sa sektor ng pangisdaan at mapalawak ang suplay ng abot-kayang isda sa bansa.

Dahil dito, nagtipon ang mga grupo sa harap ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Central Office sa Elliptical Road at nagsumite ng manifesto kay BFAR National Director Elizer S. Salilig.

Ayon sa manifesto, hinihiling ng mga grupo na alisin ang pangkalahatang pagbabawal sa komersyal na pangingisda sa municipal waters at sa halip ay ibatay sa siyentipikong pag-aaral ang pagtukoy sa mga lugar na maaaring pagdausan ng operasyon.

Sinabi ng mga grupo na napag-iiwanan na ang industriya ng pangingisda sa bansa sa kabila ng pagkakaroon nito ng ikalimang pinakamahabang baybayin sa mundo.

Nakaangkla rin umano ang kanilang panawagan sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong 2023.

Ginawa rin nilang batayan ang kasong Mercidar vs. DA-BFAR, kung saan idineklara ng Regional Trial Court Branch 170 sa Malabon noong Disyembre 11, 2023 na labag sa Konstitusyon ang Sections 4(58), 16 at 18 ng RA 8550, gayundin ang ilang probisyon ng Department of Agriculture Administrative Order No. 10, Series of 2015, na nagsisilbing batayan ng 15-kilometer fishing ban.

Noong Agosto 19, 2024, ibinasura naman ng First Division ng Korte Suprema ang petisyon ng DA-BFAR at kinatigan ang panig ng fishing industry.

Dahil dito, iginiit ng mga grupo na dapat igalang ang naturang desisyon at ibasura ang motion for reconsideration na inihain ng BFAR.

Ayon sa kanila, hindi sapat ang kakayahan ng maliliit na bangkang pangisda na makahuli lamang ng hanggang 10 kilo ng isda kada biyahe at makapaglayag nang hanggang limang kilometro upang matugunan ang pangangailangan ng publiko.

Hindi umano nito kayang tustusan ang pangangailangan sa isda ng tinatayang 15.5 milyong residente ng Metro Manila, lalo na ng 117.7 milyong mamamayan sa buong bansa.

Nanawagan din ang grupo sa DA-BFAR na palakasin ang suporta sa maliliit na mangingisda, pagbutihin ang mga pasilidad sa cold storage at sistema ng transportasyon, at maglatag ng kongkretong plano para sa pagpapaunlad ng sektor ng pangisdaan.

Binigyang-diin nila na hindi lamang dami ng nahuhuling isda ang dapat maging sukatan ng tagumpay kundi ang pag-unlad ng kabuhayan ng mga mangingisda at ang kakayahan ng bawat pamilyang Pilipino na makabili ng sapat at abot-kayang pagkain.

(PAOLO SANTOS)

26

Related posts

Leave a Comment