ISKOlar NG BAYAN PROGRAM BUBUHAYIN SA MAYNILA

BUBUHAYIN ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ang “ISKOlar ng Bayan Program” para sa mga kuwalipikadong estudyante ng Maynila.

Ang plano ng alkalde na ibalik ang programa na dati niyang inilunsad noong siya ay konsehal pa lamang hanggang maging bise alkalde ng Maynila ay matapos bumisita sa kanyang tanggapan ang Informatics Philippines.

Nag-alok ang kumpanya ng 50% diskwento sa matrikula para sa mga kuwalipikadong estudyante ng Maynila.

Ang ISKOlar ng Bayan ay bukas para sa mga undergraduate at diploma programs kasama ang mga kawani ng Manila City Hall.

Ayon sa alkalde, layon ng programa na turuan ang mga Manilenyo sa paggamit ng artificial intelligence at pag-unawa sa mga makabago at digital technology bilang tugon sa new normal o panahon ng digitalization.

Kasama rin sa plano ng kumpanya ang pagtulong sa mga barangay upang mapaunlad ang kaalaman sa teknolohiya sa pamamagitan ng “Barangay DigiHall” na magbibigay ng access at pagsasanay para sa lahat.

Ang Lungsod ng Maynila ang magiging kauna-unahan sa pagpapahusay ng kakayahan pagdating sa teknolohiya sa isinusulong ng Informatics na inisyatiba.

Magiging daan din ito upang maging ganap na digitally transformed mula barangay level hanggang sa buong lungsod.

Nauna rito, bumisita rin kay Mayor Isko Moreno ang San Sebastian College-Recoletos Manila upang mag-alok din ng 50 porsyentong diskwento sa matrikula para sa mga bagong mag-aaral at mga transferee na lehitimong naninirahan sa Maynila, sa pakikipagtulungan naman ng Augustinian Recollect solidarity network (ARCORES) Filipinas.

Pinayuhan naman ang mga mag-aaral na nais mag-enroll na kumuha lamang ng endorsement letter mula sa kani-kanilang kura paroko o barangay chairman, kalakip ang mga admission requirements at hintayin ang matatanggap na email matapos ang screening process sa mga kwalipikadong aplikante.

(JOCELYN DOMENDEN)

47

Related posts

Leave a Comment