JAY SONZA RERESBAKAN NG EX-SOLON SA FAKE NEWS

HINDI palalampasin ni dating congressman Joseph Stephen Paduano ang umano’y fake news na ipinost ni dating broadcaster Jay Sonza, na kumokondena kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay ng military operation laban sa NPA sa Oriental Mindoro kamakailan.

“Hindi dapat isawalang-bahala ang mga ganitong uri ng panlilinlang. Kasalukuyan nating pinag-aaralan ang lahat ng maaaring legal na hakbang, kabilang ang pagsasampa ng kaso kung kinakailangan, upang papanagutin ang mga sangkot sa likod ng mga panlolokong ito,” ani Paduano.

Sa post ni Sonza, ipinakita ang isang galit na larawan ni Paduano na may caption: “Masaya kana Pangulong Marcos! Sa pagsabog mo sa bundok ng Mindoro? Maraming mga kabataan ang natamaan, yung iba mga estudyante pa! Ginamit mula noong nasa position pa kami! Wala kang puso!”

Itinanggi ng dating chairman ng House committee on public accounts at co-chair ng Quad Committee ang nasabing pahayag, at mariing pinabulaanan ang alegasyong may koneksyon siya sa mga armadong grupo o operasyon ng NPA.

“Mariin kong pinabubulaanan ang mga kumakalat na social media posts na nag-uugnay sa akin sa isang pahayag hinggil sa nangyaring engkwentro sa Oriental Mindoro sa pagitan ng Philippine Army at rebeldeng grupong NPA,” ayon sa dating mambabatas.

Ayon sa kanya, sa mahigit isang dekadang paglilingkod sa Kongreso, matibay at buo ang kanyang suporta sa depensa at pambansang seguridad, at isinulong ang mga panukalang batas na nagpapalakas sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas at mga hakbang sa pambansang insurhensya.

“Anomang pahayag na salungat dito ay sadyang pagbaluktot sa aking paninindigan. Nanawagan ako sa publiko na maging mapanuri sa impormasyon, lalo na sa social media, upang hindi tayo maging kasangkapan sa pagpapalaganap ng kasinungalingan at disimpormasyon,” pagtatapos ni Paduano.

(BERNARD TAGUINOD)

28

Related posts

Leave a Comment