BUMABA ang tiwala ng mga Pilipino na mapapanagot ang mga “big fish” na opisyal ng gobyerno na sangkot sa multi-billion flood control scandal, ayon sa pinakahuling pag-aaral ng Pulse Asia na isinagawa noong huling bahagi ng 2025.
Batay sa survey na inilabas nitong Lunes, 59 porsyento na lamang ng mga Pilipino ang naniniwalang maparurusahan ang mga tiwaling opisyal pagsapit ng Disyembre na malaking bagsak mula sa 71 porsiyento noong Setyembre.
Kasabay nito, tumaas ang bilang ng mga naniniwalang hindi mapapanagot ang mga sangkot na opisyal mula 8 porsyento ay naging 13 porsyento.
Bagama’t may ilang inakusahan na ang naaresto at nasampahan ng kaso, nananatiling malaya pa rin ang mga tinaguriang “big fish,” kabilang si resigned Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co, limang buwan matapos iutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang imbestigasyon sa mga nabunyag na ghost flood control projects.
Tinutulungan na rin ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang pagtukoy at paghahanap sa mga umano’y pekeng proyekto sa buong bansa, kasabay ng nagpapatuloy na congressional probe sa mga maanomalyang kontrata.
Ayon pa sa pag-aaral, kahit mabagal, unti-unting nalalantad ang sabwatan ng ilang politiko, government executives at DPWH contractors sa likod ng kickback scheme na umano’y humahati-hati sa bilyon-bilyong pondo ng bayan.
“The scandal also led to the filing of cases, return of supposed corruption money and seizure of assets, and arrests of suspects in the scandal, as well as some reforms in government,” ayon sa Pulse Asia.
Samantala, halos 30 porsyento ng mga Pilipino ang naniniwalang limitado lamang ang epekto ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, mas mataas ng walong porsyento kumpara noong Setyembre 2025.
Sa kabuuang 1,200 respondent, 41 porsiyento ang nagsabing nag-aalangan sila kung dapat bang magtiwala sa kakayahan ng Senado na resolbahin ang isyu, habang 37 porsiyento lamang ang nagsabing kumpiyansa sila.
Dagdag pa ng Pulse Asia, malalaking bilang hanggang simpleng mayorya ang hindi rin makapagpasya kung magtitiwala o hindi sa iba pang institusyon gaya ng House of Representatives (41%), Office of the Ombudsman (49%), at Independent Commission for Infrastructure (51%).
(JESSE RUIZ)
34
