OPISYAL nang nilagdaan kahapon ng tatlong ahensya ng pamahalaan ang isang Joint Administrative Order (JAO) na layong bigyan ng proteksyon, seguridad at kaligtasan pagdating sa kalusugan ang persons deprived of liberty (PPLs) o mga taong pinagkaitan ng kalayaan.
Sa ceremonial signing sa Centennial Hall ng Manila Hotel, siniguro ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr., ang makataong pagtrato at pag-iwas sa diskriminasyon sa misyon ng Department of Health (DOH), Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na magkaroon ng maayos na panuntunan sa health condition ng mga preso sa lahat ng mga pasilidad sa bansa.
Sa tulong aniya ng Philhealth package, magkakaroon ng medical records ang mga PDL, sa pakikipag-ugnayan ng tatlong ahensya, na layong palakasin ang paglaban sa health crisis na kinahaharap ng Pilipinas sa ilalim ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Sa programang “Bagong Pilipinas, bawat buhay mahalaga,” tungkulin ng gobyerno na ibigay ang malusog na nutrisyon, proper hygiene at sanitation sa mga preso sa kabila ng kanilang kakapusan sa kapalaran.
Sa ilalim din ng Universal Health Act, mandato ng mga ahensya na walang mahuhuli at maiiwan na PDLs pagdating sa kalusugan.
Magugunitang maraming namatay na preso noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, dahil sa dalawang taon na walang galawan, kaya lumaki ang mga kaso ng heart attack, upper respiratory infections gaya ng tuberculosis at pneumonia, gayundin ang stroke sa mga piitan.
Layunin din ng JAO na madagdagan ang budget sa pagkain at gamot ng kada preso na P70.00 meal bawat araw, at P15.00 naman sa gamot sa kasalukuyan. (JULIET PACOT)
