KANDIDATONG VICE MAYOR SA QUEZON TINAMBANGAN

LUCENA CITY – Sugatan ang dating mayor ng bayan ng Plaridel sa lalawigan ng Quezon, na ngayon ay kandidato bilang vice mayor, makaraang tambangan at pagbabarilin sa Barangay Ibabang Dupay sa lungsod nitong madaling araw ng Miyerkoles.

Ayon sa mga awtoridad, dakong ala-1:00 ng madaling araw, galing sa sabungan ang biktimang si dating Mayor Wilfredo Magbuhos Jr., lulan ng kanyang sasakyan nang saglit itong tumigil sa lugar para ibaba ang kanyang kasama.

Ngunit habang papalayo na ang kasama nito, bigla na lamang umanong lumapit ang nag-iisang suspek at tinutukan ito ng maiksing kalibre ng armas at pilit kinukuha ang bag nito.

Bunsod nito, biglang pinatakbo ni Magbuhos kanyang sasakyan kaya nakaladkad ang suspek pero nagawa pa rin nitong paputukan ang dating mayor na tinamaan sa hita at braso.

Nakapagmaneho pa at idineretso ng biktima ang sasakyan sa ospital kung saan siya nilalapatan ng lunas.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Lucena City Police sa insidente at inaalam ang pagkakakilanlan sa suspek at ang posibleng motibo sa krimen.

(NILOU DEL CARMEN)

16

Related posts

Leave a Comment