KAPUNAN KABILANG SA MGA LILITIS KAY VP SARA

KUMPIRMADO nang kasama si Atty. Lorna Kapunan sa private lawyers na maglilitis kay Vice President Sara Duterte kapag natuloy ang impeachment trial.

Hanggang kahapon ay hindi pa isinisiwalat ng Prosecution Panel kung sinu-sino at ilan ang private prosecutors na tutulong sa kanila sa paglilitis sa Pangalawang Pangulo.

Gayunpaman, inamin ni Kapunan sa isang panayam na kasama siya sa private prosecutors at tumanggi itong pangalanan ang kanyang mga kasama mula sa pribadong sektor.

Kaugnay nito, kinontra ni Kapunan ang depensa ni Duterte na walang impeachment case dahil ibinalik ito ng Senate Impeachment court sa Kamara kaya wala silang dapat sagutin.

“That’s misleading. Hindi naman ibinalik ang impeachment case. Klaro yung resolution ng Senate, was qualify by phrase “without dismissing or terminating the impeachment proceedings. So there’s a impeachment complaint,” ani Kapunan.

Kung ang tinutukoy aniya ng kampo ni Duterte ay “physical copy’ ng impeachment complaint, marami aniyang kopya nito at hindi umano maghahain ang mga ito ng “answer ad cautelam” kung wala silang kopya ng reklamo.

Samantala, sinabi naman ni House prosecution spokesman Atty. Antonio “Audie” Bucoy na sa pagkapit ng kampo ni Duterte sa teknikalidad ay nauwi sa “bubble bath” ang “blood bath” na unang inihayag ng Pangalawang Pangulo.

“They want a shortcut. Wala nang trial, dismiss na lang,” aniya. “‘Yung walang maisagot sa substance, ang tinutugunan nila ng pansin — ‘yung teknikal. Sabi niya gusto niya ng trial, she wants a bloodbath — eh bubble bath eh. Hindi bloodbath,” dagdag pa ni Bucoy.

Kasalanan Ni VP Sara

Kung sinagot lang ni VP Sara ang mga tanong sa kanyang confidential funds ay posibleng hindi na humantong sa kanyang impeachment.

Ginawa ni Akbayan party-list Representative-elect Chel Diokno ang pahayag matapos sabihin ni Duterte na ang kanyang pagiging front-runner sa 2028 presidential election ang dahilan kaya siya inimpeach.

Ayon sa mambabatas, maraming pagkakataon na ibinigay ng Kongreso kay Duterte para sagutin ang kontrobersyal na P125 million confidential funds na kanyang ginastos noong 2022 sa loob lamang ng 11 araw.

Maging ang P612.5 million na confidential funds nito sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na iniwasan ding sagutin ni Duterte.

“Binigyan siya na pagkakataon na sagutin ang mga tanong na ‘yan at harapin ang mga nakikitang anomalya (sa paggamit ng pondo), pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita kaya umabot ito sa impeachment eh,” ani Diokno.

“Kung sana noon pa ay nasagot na niya, hinarap na niya ang mga kuwestiyon sa paggamit ng pondo ng taumbayan ay baka hindi tayo umabot dito (impeachment). Kaya para sa akin, the Vice President cannot blame anyone else but herself,” dagdag pa ng mambabatas na pormal nang magsisimulang maging congressman ngayong tanghali, June 30.

Samantala, tila pinagtawanan ni Prosecution panel spokesman Atty. Antonio “Audie” Bucoy ang pahayag ni Duterte na biro lamang ang sinabi nitong kumontrata ito ng assassin para patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez kapag may masamang nangyari sa kanya.

“Alam nyo ho ‘yung pagkontrata ng mamamatay-tao, hindi ho naman sinusulat ‘yan eh. Hindi ho ba? Hindi naman sinusulat ‘yan. I agree to kill, etc. Walang ganun eh, kasi illegal eh,” ani Bucoy.

Magugunita na sa isang online press conference sa loob ng Batasan Pambansa kung saan nakakulong ang chief of staff ng Pangalawang Pangulo, sinabi nito na kumontrata ito ng papatay sa mag-asawang Marcos at kay Romualdez kung saan dalawang beses niyang sinabi ang katagang “no joke”.

(BERNARD TAGUINOD)

127

Related posts

Leave a Comment