IGINIIT ni House minority leader Rep. Marcelino Libanan na kailangang ituloy ang plano ng liderato ng Kamara na buksan sa publiko ang Bicameral conference committee sa pambansang pondo.
Ginawa ni Libanan ang pahayag matapos sabihin ni House Speaker Martin Romualdez na sinusuportahan nito ang panawagang buksan sa publiko ang deliberasyon sa pambansang pondo pagdating sa Bicameral conference committee.
“We fully support the Speaker’s initiative to shine a light on one of the most crucial and sensitive phases of the budget process. Allowing the public to witness the bicam discussions upholds the principle that citizens have a right to know how their money is being allocated,” ani Libanan.
Magugunita na napuno ng kontrobersya ang 2025 national budget na nagkakahalaga ng P6.352 trillion dahil nagkaroon ng insertions sa Bicameral conference committee na hindi kasama sa deliberasyon sa plenaryo ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Kabilang sa isiningit na pondo ang bilyun-bilyong halaga ng Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) program na ginamit lamang umano ng administrasyon na pambili ng boto noong nakaraang eleksyon.
Hindi naitago ni Libanan ang katotohanan na nawala ang tiwala ng publiko sa Bicam kaya kailangang buksan na aniya ito sa publiko kapag naisalang na sa nasabing komite na binubuo ng mga piling congressmen at senador ang 2026 national budget na aabot umano sa P6.793 trillion.
“If we are to demand integrity and responsibility in government spending, it must begin with greater openness in the process. Transparency is not just good governance — it is a moral obligation,” ayon sa kongresista.
Nais ng mambabatas na hindi lamang ang 2026 national budget ang bubuksan sa publiko pagdating sa Bicam kundi maging ang mga susunod na pambansang pondo.
(BERNARD TAGUINOD)
