NADAKIP ng mga tauhan ng Sta. Cruz Police Station 3 ng Manila Police District, ang angkas habang tuluyang nakatakas ang driver ng motorsiklo makaraang hablutin ang cellphone ng isang biktima noong Biyernes ng gabi sa panulukan ng Rizal Avenue at Tayuman Street, Sta. Cruz, Manila
Kinilala ang nadakip na suspek na si alyas “Bernardo”, 23, residente ng Sta. Cruz, Manila habang tuluyang nakatakas ang kasabwat nito na si alyas “Kenneth”, ng Balut, Tondo
Batay sa ulat nina Police Executive Master Sergeant Peter Joseph Villanueva ng Sector 2 ng Station 3, bandang alas-9:56 ng gabi nang mangyari ang insidente sa lugar.
Nabatid sa pulisya, lulan ng tricycle ang biktimang si “R-Jay”, 28, vendor, ng Tondo, nang hablutin ang cellphone nito ng riding in tandem habang naka-red signal ang traffic light.
Gayunman, nahablot ng biktima ang t-shirt ng suspek at humingi ng tulong sa pulis.
Bunsod nito, nadakip ng pulis ang angkas na suspek habang nakatakas ang nagmamaneho ng motorsiklo.
(RENE CRISOSTOMO)
