PARUSA SA ABUSADONG RICE TRADERS TINIYAK

TINIYAK ni Senador Christopher Bong Go na maparurusahan ang ilang malalaking rice traders at rice importers na nagsasamantala o nanloloko sa malilit na magsasaka.

Ipinaalala rin ni Go ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation sa mga tiwaling rice traders sa Tarlac kasabay ng pagtiyak na tuluy-tuloy ang kampanya laban sa korapsyon at smuggling.

Iginiit ni Go ang malaking papel ng agricultural sector at ang kontribusyon nito sa economic recovery sa epekto ng COVID-19 pandemic kasabay ng panawagan na tulungan at protektahan ang maliliit na magsasaka mula sa mga abusadong traders.

Sinabi ni Go na sa panahon ng krisis at pandemya, ang masisipag na magsasaka ang nagsisilbing kasangga ng bawat pamilyang Pilipino.

Kaugnay nito, sinabi ng mambabatas na marapat lamang na mapangalagaan ang kapakanan ng mga magsasaka na nagsisilbing food providers ng bansa.

Tinukoy ni Go ang mga abusadong rice traders at importers na nagsasamantala sa krisis at dumadagdag pa sa pasanin ng mga magsasaka sa bansa.

Giit pa nito, maraming magsasaka sa bansa ang nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya kaya hindi katanggap-tanggap na sa kabila ng hirap na dinaranas ng mga ito ay talamak pa rin ang rice smuggling sa bansa. (NOEL ABUEL)

173

Related posts

Leave a Comment