KASAPI NG LAWLESS ELEMENT GROUP, PATAY SA SAGUPAAN

PATAY ang isang kasapi ng notoryus na organized crime group matapos piliing huwag magpahuli nang buhay sa ikinasang joint law enforcement operation ng military at pulisya sa Sitio Dulayap, Barangay Panggao, Barira, Maguindanao del Norte noong Lunes ng umaga.

Ayon sa ulat na nakarating sa punong himpilan ng Philippine Marines, kinilala ni Lt. Col. John A. Dela Cruz, commanding officer ng Marine Battalion Landing Team-2 (MBLT-2), ang napatay na si Kamlon Manardas Ragundo, 34-anyos, at residente ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat, layunin ng Criminal Investigation and Detection Group – BARMM, katuwang ang MBLT-2, na isilbi ang warrant of arrest na inisyu ng lokal na korte laban kay Porok Marandakan Ragundo, alyas “Rokkie”, at pito pang kasamahan nito dahil sa iba’t ibang kasong kriminal na kinahaharap ng kanilang grupo.

“Layunin lamang ng aming tropa na suportahan ang PNP sa pagsisilbi ng warrant of arrest, subalit pinaputukan kami habang kami’y papalapit pa lamang sa bahay ng target personalities,” pahayag ni Lt. Col. Dela Cruz. “Dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang ating mga operatiba para sa kanilang sariling kaligtasan.”

Sa gitna ng engkwentro, tumakas ang iba pang mga suspek at naiwan ang bangkay ni Kamlon Ragundo sa pinangyarihan ng insidente.

Bago tumakas, naghagis ng granada ang mga suspek upang makalayo sa encounter site. Natagpuan sa lugar ang dalawang M16A1 rifle, mga magasin, dalawang granada, at mga bala.

Ayon kay Brig. Gen. Romulo Quemado II, commander ng 1st Marine Brigade, ang grupo ni Ragundo ay matagal nang sangkot sa iba’t ibang kriminal na aktibidad kabilang na ang gun-for-hire, robbery with violence, at kalakalan ng ilegal na droga.

Aniya, ang mga gawaing ito ay matagal nang nagdudulot ng pangamba sa mamamayan ng Barira, Matanog, Parang, Sultan Mastura, at Buldon sa Maguindanao del Norte, at maging sa Cotabato City.

“Ang grupong ito ay kilala ring kaalyado ni ‘Alpha King’ na may kaugnayan sa teroristang Dawlah Islamiya – Hassan Group,” pagbubunyag pa ni Brig. Gen. Quemado.

Samantala, pinuri ni Major General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division, at Joint Task Force Central, ang matagumpay na operasyon.

“Ang tagumpay ng operasyong ito ay patunay ng epektibong koordinasyon at dedikasyon ng ating mga tropa, partikular ng MBLT-2 at CIDG-BARMM, sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaayusan sa rehiyon. Ang pagkaka-neyutralisa ng isang notoryus na kriminal ay malaking hakbang sa pagbawas ng krimen at sa kaligtasan ng ating mga kababayan,” saad ni Maj. Gen. Gumiran.

(JESSE KABEL RUIZ)

35

Related posts

Leave a Comment