KAWASAKI MOTORS NAGHAIN NG ILLEGAL STRIKE SA NLRC; UNION OFFICERS NANGUNA SA PROTESTA PINATATALSIK

PORMAL nang naghain ng reklamo ang Kawasaki Motors Philippines Corporation (KMPC) sa National Labor Relations Commission (NLRC) upang ipadeklarang ilegal ang kasalukuyang welga at hiniling ang pagpapatalsik sa mga opisyal ng unyon na nanguna rito.

Ang reklamo ay bunsod ng welgang sinimulan noong Mayo 21, 2025, ng mga kasapi ng Kawasaki United Labor Union (KULU) sa pamumuno ng kanilang pangulo na si Richard Balberan. Iginiit ng KMPC na lumalabag ang welga sa “No Strike, No Lockout” na probisyon ng Collective Bargaining Agreement (CBA) na pirmado ng magkabilang panig noong Mayo 2022.

Nagbabala ang Kawasaki na ang patuloy na welga ay nagdudulot ng matinding pagkaantala sa operasyon, pagkawala ng kita, at pinsala sa reputasyon, na posibleng mauwi sa pagkalugi o pagsasara ng kumpanya kung saan nasa 1,000 indibidwal ang apektado na karamihan ay hindi umano sang-ayon sa welga.

“This strike is not just illegal—it is irresponsible,” pahayag ni Atty. John Bonifacio, External Counsel ng Kawasaki Motors Philippines. “It violates the terms of the CBA and places the jobs of over a thousand workers at serious risk. The law is clear: no strike should take place while good faith negotiations are ongoing, especially when both parties are still trying to settle economic issues,” dagdag pa nito.

Sa kanilang reklamo, nanawagan ang KMPC sa NLRC na ideklarang ilegal ang welga, papanagutin ang mga lider ng unyon sa unfair labor practice, at tanggalin sa serbisyo ang mga opisyal at miyembro ng board na sinadyang lumahok o nagpasimula ng kilos-protesta.

Pinangalanang respondents sa kaso ang KULU officers na sina Richard Balberan, Ricardo Opeña Jr, Rhodora Vargas, Yllah Limosinero, Ma. Theresa Suitado, Ronaldo Almalvez, Rose Ann Verzosa, Al Jerome Salonga, Jermie Lagustan, Pepito Taruc Jr., Ferdinand San Antonio, Fernando Manguerra at Harvey Mande Nacario.

“The irresponsible actions of a few have endangered the livelihood of many.This is not just a company issue. This is a workers’ issue. We call for accountability,” nakasaad sa reklamo.

Inulit ng Kawasaki na nananatili itong bukas sa “good faith negotiations” at nag-alok ng 5% umento sa sahod habang patuloy itong bumabangon mula sa pagkalugi dulot ng pandemya.

Gayunman, iginiit ng unyon ang 11.5% dagdag-sahod, na ayon sa kumpanya ay hindi kayang tustusan sa kasalukuyang kalagayang pinansyal.

Ayon sa KULU, ang 11.5 wage increase na kanilang hinihingi ay batay sa tinatayang ₱80,000 buwanang pangangailangan ng kanilang miyembro ngunit iginiit ng KMPC, ang kasalukuyang suweldo ng kanilang mga empleyado ay maituturing nang mataas kung ihahambing sa mga katulad na trabaho sa industriya, dahil sa halos 20 taon ng pagtanggap ng halos 10% taunang umento sa ilalim ng mga nakaraang CBA.

“Our compensation packages are among the best in the industry for similar roles. This is the result of more than 20 years of negotiated wage improvements, which the company has honored despite economic headwinds,” giit ng kumpanya.

Binanggit din ng KMPC na ito ang kauna-unahang welga sa loob ng 60 taong operasyon nito sa Pilipinas—isang hindi pangkaraniwang pangyayari na sinimulan ng unyon sa ilalim ni Balberan.

Giit ng KMPC, nananatili itong nakatuon sa makatarungan, legal, at may mabuting layunin na relasyon sa paggawa, at sa pangangalaga ng interes ng buong hanay ng manggagawa.

Nasa ika 40 araw na ang isinagawang welga ng KULU na sa harap ng planta ng Kawasaki sa Muntinlupa City.

32

Related posts

Leave a Comment