Kaya binu-bully Pilipinas GOBYERNO CORRUPT, WEAK

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

ITINURO ng dating kalihim ng Department of National Defense (DND) ang pagiging mahina ng Pilipinas at talamak na korupsyon sa gobyerno kaya hindi nirerespeto ng ibang mga bansa at binu-bully ng China.

Ang pinakahuling pambabraso ng Chinese Coast Guard ay nagdulot umano ng mga pagkasugat ng ilang mga sundalong Pilipino kaya mariing kinondena ng Armed Forces of the Philippines (AFP), DND at Department of Foreign Affairs (DFA).

Ngunit ayon sa dating kalihim ng DND at National Security Adviser sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na si Norberto Gonzales, hindi dapat nagpapadala ang mga Pilipino sa mga pambu-bully ng China.

“Tingin ko lang ‘wag tayong padala sa kasi kinukuwan tayo eh ‘ika nga binubully ka eh di ba? ‘Wag ka masyadong pumatol diyan, hindi tayo masyadong pumatol dahil alam natin dahil ang aksyon ng China is more bullying than an actual threat of war,” ani Gonzales, sa panayam ng SMNI.

Aniya, patuloy ang usapin sa mga pinag-aagawang teritoryo dahil hindi nirerespeto ng malalaki at mayayamang bansa ang Pilipinas.

“Mukhang hanggang sa ngayon hindi malinaw ang policies sa West Philippine Sea kasi because of one important element alam mo kunwari sa pakikipag-usap hindi ka ginagalang ng kausap mo hindi maganda ang resulta ng pakikipag-usap sa ngayon kasi kulang sa paggalang ang ibang bansa sa Pilipinas hindi lang China pati ibang bansa medyo mababa ang tingin sa atin as a country,” ani Gonzales.

Naniniwala rin ito na hindi magiging mabunga sakaling mag-usap ang lider ng China at Pilipinas.

“Kung tatanungin nyo ko ang pag-uusap ng dalawang lider hindi magiging fruitful as of now ang importante ipakita muna ng Pilipinas na kaya dapat siyang irespeto ng China, sa ngayon hindi pa natin naipapakita ‘yan what we have is an armed forces na kulang sa gamit, maliit tapos ang tingin naman sa lipunan madaling suhulan, kurap, mga utusan lang ng mundo ‘yan, ‘yan ang tingin sa atin so paano ka makikipag-usap sa isang Xi Jin Ping? na lider ng isang malaking bansa na gusto pa maging lider ng daigdig?” diin ni Gonzales.

Marcos Kinuwestiyon sa Pananahimik

Samantala, kinuwestyon ng Makabayan bloc ang pananahimik ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pananakit ng mga Chinese Coast Guard (CCG) sa walong miyembro ng Philippine Navy na nagdadala ng supply sa kanilang mga kasamahan sa Ayungin Shoal.

“Mukhang tahimik si President Marcos dito. Mula pa noong Monday, o Tuesday dahil Monday nangyari ang collision, wala akong masyadong naririnig sa kanya,” obserbasyon ni House Deputy Minority Leader France Castro.

Inamin ng kongresista na nakakagalit at lalong kinamuhian ng mga Pilipino ang China sa pinakahuling komprontasyon ng dalawang bansa sa West Philippine Sea kung saan isa saw along Navy personnel ay naputulan ng hinlalaki.

Gayunpaman, nakakabingi aniya ang katahimikan ni Marcos sa sinapit ng mga Navy personnels kung saan inakyat ng mga miyembro ng CCG na armado ng itak , pamalo at iba pa ang kanilang barko para sila ay saktan.

Nangangamba si Castro na mas malala ang susunod na gagawin ng China dahil kung dati ay nambobomba lamang ang mga ito ng tubig, binabangga ang barko ng Pilipinas ngayon ay sumasampa na ang mga ito para saktan ang mga otoridad.

Maging si Surigao del Sur Rep. Robert Ace Barbers ay ganito rin ang pangamba kaya dapat aniyang dalhin na agad ang usaping ito sa United Nations (UN) dahil hindi aniya titigil ang China hangga’t hindi maagaw ng tuluyan ang WPS.

Iminungkahi din nito sa Philippine Coast Guard na hulihin din ang mga Chinese nationals na nasa loob ng WPS dahil malinaw na malinaw na trespasser aniya ang mga nananakit sa tropa ng pamahalaan sa Ayungin Shoal.

“Kapag sila ay pumasok o nag-tresspass sa ating teritoryo, dapat manghuli rin tayo, hulihin din natin sila. Dahil pagpapakita ito ng pagrespeto sa ating polisiya at ating batas dito sa ating bansa,” ani Barbers.

Sinabi naman ni Bukidnon Rep. Keith Flores, military matter na ang usapin sa WPS dahil hindi lamang ang CCG ang nasa teritoryo ng Pilipinas kundi ang kanilang mga Navy kung saan nanakit na ang mga ito kaya dapat tapatan na ng Pilipinas.

“China has crossed the line. It is now time for the Armed Forces of the Philippines to take the lead in protecting Philippine sovereignty, UNCLOS Coastal State sovereign rights, and the lives of Filipinos in the West Philippine Sea and EEZ. This is a job for the AFP, not the PCG,” ani Flores. (May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)

257

Related posts

Leave a Comment